Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Wednesday, October 25, 2006

Di-inaasahan

Ako ay isang pangkaraniwang estudyante lamang noon. Pumapasok kada araw. Ginagawa ang mga nakatakdang responsabilidad. Handang pumapasok sa bawat klase. Sinisigurado ko kasi noon na hindi na ako muling mabibigo, lalong-lalo na ang mga taong lubos na umaasang makakaakyat ako sa entablado sa araw ng pagtatapos. Hindi ko kasi pinagpapahalagahan ang pag-aaral ko noon. Buo ang aking prinsipyo na hindi ko kailangan mag-aral sapagkat ako ay isang musikero. Artist kung baga. Iyong tipong handang magutom at dumaan sa paghihirap sapagkat mahal ko ang aking ginagawa. Sabi ko noon ay hindi ko kailangan ng edukasyon sapagkat mayroon naman akong talento na siyang aking ipangtatawid-gutom. Handa nga ko noon na hindi maging mayaman at magkaroon ng marangyang pamumuhay. Musika lang ang aking gustong gawin dahil ito ang nagbibigay sa akin ng buhay at halaga. Kung walang musika, wala ako. Tanggap ko na rin noong mga panahon na iyon na ako ay magiging isang dukha. Alam ko kasi na ang musika ay hindi makakapagpayaman. Ang musika kasi ay dapat walang halong pera. Hindi ko matatanggap na ang musika ay patuloy na nabubuhay dahil nakatuon ito sa pundasyon ng kapitalismo. Para sa akin, ang musika ay hindi dapat pinapaikot ng pera. Ang salapi ay darating na lang. nariyan lang naman iyan sa isang tabi. Nakakalat. Hihintayin mo na lang na maambunan kahit kaunti. Iyong tipong wala ka nang makakain. Gusto ko rin kasi maging katulad ng mga iniidolo ko. Iyong mga musikong nagutom dahil sa kanilang musika. Mga taong mayayaman sa kaalaman partikular sa musika ngunit walang salapi. Mga musikong mayaman sa tunog, melodiya, imno at nota, ngunit walang materyal na pag-aari. Handa akong maging ganito. Mayaman sa dimensyon ng musika, mahirap sa mundo ng mga tao.
Ngunit sa pagpasok sa pang-araw-araw ay nagbago ang aking konsepto at pananaw. Hindi dahil sa gusto ko ng yumaman o sumikat o kung anuman. Gusto ko lang kasi matuto. Tahimik lang ako sa klase, nagmamasid at nakikinig. Nagsusulat at nagbabasa ngunit bihirang magsalita. Tahimik lang kasi ako at sa palagay ko ay wala namang handang makinig sa aking mga sasabihin. Ngunit ang personalidad na ito ay unti-unting nagbago. Unti-unting hinubog ng institusyon ang aking buong pagkatao. At ito na ako ngayon, isang bagong nilalang, isang bagong estudyante.
Hindi ako makapaniwala na magiging ganito ako. Akala ko noon ang buhay ko ay hanggang doon na lang. HIndi ko inakalang may naghihintay pa palang magandang bukas sa akin. At hindi ako makapaniwala na ako ang gumagawa ng aking magandang bukas. Sana lang ay hindi ako mapagod at ipagpatuloy ko ang nasimulang pagbabago. Ayoko na kasing mabigo lalo na ang mga mahal ko sa buhay. At sana ay makita ito ng ibang tao at ako ay magsilbing inspirasyon at isang katibayan na ang lahat ay may pagkakataong lagyan ng kabuluhan at direksyon ang kanilang buhay.

Bagong Umaga

Panibagong umaga. Umagang kay lungkot, puno ng hinagpis at pighati. Marahil dala ito ng malakas na pagbuhos ng ulan o kaya’y dala ng matinding pag-ihip ng hangin. Bakit kasi nagkataon pa na ganito ang panahon? Sumabay pa sa lungkot na aking nadarama. Mas magaan siguro ang pakiramdam ko kung mataas ang sikat ng araw. Iyong tipong nakangiti sa akin si kaibigang araw. Kaya nga lang nagtago siya siguro dahil pati siya ay nagtatampo sa akin. Bakit kasi ako ganito? Bakit kasi kailangan pang komplikado? Bakit kasi hindi ako nadala? Parang paulit-ulit lang. Dapat nga ay sanay na ako sa ganitong sitwasyon, ngunit hindi pa pala.
Aaminin kong sanay na ko sa hiwalayan. Noon nga lang ay nagtatago ako. Hindi ako sanay sa konprontasyon. Mas sanay ako na nang-iiwan sa ere. Kulang na lang ay magkubli ako sa saya ng nanay ko. Ngunit hindi ko rin maaaring gawin iyon sapagkat ultimo siya ay babatukan ako. Palagi kasi akong nasesermonan ng nanay ko tuwing darating itong mga pagkakataon na ganito. Wala daw kasi akong kadaladala. Bakit daw kasi ang hilig ko manakit ng damdamin? Bakit kasi sanay akong mang-iwan sa ere? Bakit daw ako nagmana sa erpats ko?
Masaya naman kami noon kahit komplikado ang aming sitwasyon. Kahit nagpapakulong kami sa apat na sulok ng kanyang silid masayang-masaya kami. Puno ng tawanan, minsan may iyakan pero kung susumahin, walang humpay na kaligayahan ang aming pagsasama. Kahit hindi kami makalabas, makanood ng sine, maglakad ng magkahawak-kamay at kung ano-ano pang ginagawa ng normal na nag-iibigan, masaya kami. Kahit sa gabi lang kami maaaring tumambay, kahit sa kung saan-saang liblib na lugar kami mag-ubos ng oras, ayos lang. Masaya kasi kami.
Saksi ang apat na sulok ng kanyang silid kung paano namin binuo ang aming mga pinangarap. Palagi niya naririnig kung ano ang aming mga plano, at kung paano kami umaasa na ang lahat ay magiging maayos rin pagdating ng tamang panahon. Habang iginuguhit namin sa aming imahinasyon ang aming mga pangarap, unti-unti itong hinahabi ng tadhana. Kaya nga akala namin ay ayos na ang lahat at ang tamang panahon na lamang ang aming hinihintay para maipamalas na namin sa buong mundo ang aming wagas na pag-iibigan.
Ngunit sinira ko ang lahat. Nagawa kong gawing bangungot ang mga panaginip. Nagawa kong wasakin ang bukas upang mapagbigyan ang kasalukuyan. Pinilit kong ipaintindi sa sarili na ang mali ay maaari ding maging tama. Ganito lang yata talaga ako. Tagasira ng mga bagay na pinipilit buoin ng tadhana. Bakit kasi ginawa akong ganito? Bakit kailangan pang makasakit ako? Bakit kailangang may hangganan ang kaligayahan?

Napariwarang Iskolar

Simula bata ay iminulat na ako ng aking ina na bigyan ng pagpapahalaga ang pag-aaral. Mula kasi kami sa pamilya ng mga iskolar. Mula sa kanya hanggang sa bunsong kapatid ay nakatapos ng kolehiyo na walang binabayarang matrikula. Isa pa, mahirap lang kami noon kaya pilit niyang ipinapasok sa aking murang isipin na ang edukasyon ang tanging makakapag-ahon sa amin mula sa kakapusan. Sa may Tayuman kasi ay karaniwan na ang hindi nakakatapos ng kolehiyo. Kaya mabilis ang pagdami ng mga propesyonal na tambay. Mga taong walang ginawa buong araw kundi magpalipas ng oras sa kakaupo sa may bangketa na may mga baong kwento na siyang magpapaabala sa kanilang araw. Nakita ko iyon at isinumpa na hindi ako magiging ganoon paglaki ko.
Naging magaling naman ako sa elementarya at hayskul. Sa katunayan ay bata akong nakatapos ng edukasyong pangsekondarya sapagkat maaga ako nag-aral. Sa edad na 14 ay umakyat na ako sa entablado at buong yabang na tinanggap ang hayskul diploma. May karapatan din akong magyabang sapagkat sa isang prominenteng unibersidad ako mag-aaral ng kolehiyo. Habang ang aking mga kamag-aral ay nag-ipon ng mga eksamin sa iba’t ibang unibersidad, ako ay sa La Salle-Taft lang nag-eksam. Alam ko kasi na tiyak na akong makakapasok doon. Alam ko kasi na magaling ako. Alam ko na kaya ko.
Dala ng kawalang-muwang sa bagong yugto ng aking buhay, nagpabaya ako. Hindi ko pala gusto ang aking kurso. Magaling nga ako sa matematika ngunit hindi ko nakita ang aking sarili bilang isang inhenyero. Sa katunayan ay mga magulang ko ang pumili ng aking kurso. Bagay daw kasi sa akin ang mag-inhinyero sapagkat magaling ako sa matematika at ito ang linya ng aming negosyo. Siguradong makatutulong ako sa pagpapalago ng aming negosyo.
Ngunit nagkamali sila. Ang apoy na nagtutulak sa akin upang maging magaling sa klase ay nawala. Hindi kasi ako sigurado sa aking ambisyon. Nalito ako at tinamad. Napagtanto ko kasi na ayaw kong maging inhenyero. Isa pa, nanibago ako sa bagong institusyon na aking kinabilangan. At mula noon ay hindi na ako pumasok sa aking mga klase. Sinayang ko ang aking baon sa pagpunta sa mga mall, at doon ko hinanap ang kasiyahan na hindi ko mahagilap.At pagkalipas ng dalawang buwan ay natuklasan ng aking magulang ang aking ginagawa. Sobrang nagalit sila sa akin. Sinira ko kasi ang kanilang mga pangarap. Ang pagmamalaki nila sa akin ay napalitan ng kahihiyan.
Natuklasan ko na gusto ko pala na maging isang musikero. At sa awa ng Diyos ay unti-unting natupad ang aking mga pangarap. Nakilala ko ang mga dapat makilala. Naging kaibigan ko ang mga kilala sa industriya. Sa sandaling panahon ay naging kilala ako sa aming eksena. Ako ang batang mayd dating tumipa ng tiklado. Kasi naman napasama ako sa mga tamang tao. Napabilang ako sa barkadahan ng mga magagaling, mga taong may ibang pananaw sa musika. At doon ay nagsimula akong magpakadalubhasa. Araw gabi akong nageensayo kapag walang tugtog. Inuubos ko ang oras sa kaaaral ng iba’t ibang teorya. Nagsunog ako ng kilay. Sa katunayan ay sa musika lang umiikot ang aking mundo. Mula pagkagising ay deretso ensayo na ako. Pinipilit kong gumaling agad upang makasabay sa aking mga magagaling na kaibigan.
Naging madali ang pagkita ng pera. Sa isang gabi ba naman ay mahina ang P1000, tapos ay may tugtog kami halos gabi-gabi. Mula rito ay natuto akong mabuhay mag-isa. Nagsarili ako at itinaguyod ang sarili. Kaya ko naman kasi at higit sa lahat gusto. Hindi lamang gusto kong bumukod sa aking pamilya kundi gusto ko ang aking ginagawa. Mahal ko ang musika at masaya ako sa ganitong trabaho.
Madalas kong sinasabi noon na bakit kailangan ko pang mag-aral. Una, nagtatarabaho na ako. Binubuhay ko na ang aking sarili. Sa katunayan ay mas mataas pa ang kinikita ko sa mga nakakurbata sa Makati. Pangalawa, pakiramdam ko ay sayang lang ang oras ko sapagkat patuloy na dumarami ang walang trabaho. Habang dumarami kasi ang nakakapagtapos ng kolehiyo, nababawasan naman ang oportunidad. At higit sa lahat, hindi ko gusto ang mag-aral. Masaya na kasi ako sa ginagawa ko at tiyak na hindi ko pagpapahalagahan ang edukasyon. Lahat ng ito ay sinasabi ko sa mga kaibigan ko. Lagi kong iniiwan ang tanong sa kanila na ano na ang mangyayari sa kanila pagkatapos ng kolehiyo? May naghihintay bang magandang bukas sa kanila?
Sa di-inaasahang pangyayari ay biglang nagbago ang ihip ng hangin. Naramdaman ko hindi ako kuntento sa aking buhay. Dumating ang pangambang ano ang mangyayari sa aking kinabukasan kapag hindi na ako makatugtog. Paano na lang kung matanda na ako? Isa pa, parang hindi ko makuha ang respeto sa aking mga kaanak. Kahit bilib na bilib sila sa propesyon ko, hindi ko makuha ang respeto nila sapagkat hindi nga ako nakatapos ng kolehiyo. Mas natutuwa sila sa mga pinsan ko na nakatapos ng kolehiyo. At mula rito ay nag-ugat ang aking pagnanais na makapag-aral muli.
Nagdesisyon akong bumalik sa kolehiyo. Ibinuhos ko ang lahat. Natuto akong unahin ang edukasyon kaysa sa mga ibang bagay. Pinilit kong lunukin ang kahalagahan nito at isinantabi ang pagmamahal sa musika. Ipinakita ko na kaya kong tapusin ang aking nasimulan. Mayroon kasi akong sakit na magaling lang ako sa simula. Puro simula at hindi ako marunong tumapos.
Pagkalipas ng dalawang taon ay hindi ako makapaniwala sa aking mga naabot. Naging magaling ako sa klase. Natuklasan ko ang aking mga kakayahan. Natuklasan ko ang bagong ako. Natuklasan ko na may mga kaya pala akong gawin bukod sa pagtugtog. Natuklasan kong muli ang aking sarili. Natuklasan ko kung sino ba talaga ako. At ngayon ay hindi ako makapaniwala na marami nang nakaatang na responsabilidad sa akin. Mga responsabilidad na hindi ko noon tatanggapin na ngayon ay aking buong pusong ginagampanan. Mga responsabilidad na patuloy na humuhubod sa aking pagkatao. Muli akong nagkatiwala sa aking sarili. Masasabi kong, nabubuhay na akong muli.

Ang Aking Unang Adidas

Malamig ang simoy ng hangin. Damang-dama sa paligid na parating na ang pinakahihintay ng lahat. Ang lahat ay abala sa pagsasabit ng mga kumukutitap na ilaw, mga dekorasyong nagsasabing dapat ay maging masaya ang lahat. Masaya ako noon. Palibhasa ay hindi ko naiintindihan. Dala ng aking kamusmusan, hindi ko nakikita ang salimuot na dala nito. Dala ng aking murang kaisipan, hindi ko namamalayan na sa likod ng aking mga ngiti ay naroon ang lungkot at pangamba sa aking mga magulang. Habang ang lahat ay abala sa pamimili, sila ay abala kung saan kami maaaring kumuha ng pera para naman maging masaya kami sa araw na iyon.
Ang lahat ay may bagong kagamitan. Naroon ang mga magagarang damit na hinihintay na lamang ang araw ng Pasko upang sila ay maisuot na. Nasa loob na ng mga kahong nakabalot sa magagarang papel ang mga laruan. Ilang araw na lamang at tiyak na maisasantabi na ang mga nasirang pambalot dahil mas mahalaga naman ang mga nakapaloob dito. Nasa mga ref na ang kilo-kilong hamon, keso de bola; galon-galong buko salad at kahon-kahong halaya at leche flan. Hindi ko lang alam na kami pala ay hindi pinalad na magkaroon ng mga bagay na siyang magbibigay-kulay sa pinakahihintay na araw.
Masakit iyon para sa aking mga magulang. Wala kasi silang magawa, mahirap lang kasi kami. Gustuhin man nilang ibigay ang lahat ng aking naisin, wala silang kapasidad gawin iyon. Gusto ko man ng mga bagong laruan, kailangan ko na lamang pagtiyagaan ang mga sira-sira kong kotse-kotsehan. Gusto ko man ng masarap na noche buena, limitado lang ang kayang ihain sa aming munting mesa. Bagay man sa akin ang magagarang damit, baka kailangan ko na lang pagtiyagaan ang mga pinaglumaan. Mahirap kasi kami. Ang Pasko ay para sa mga pinalad, para sa mga may pera.
Ilang araw na lang at darating na ang kapaskuhan. Dahil sa kakapusan wala pa rin akong magarang damit. Dalawang taon pa lamang ako noon at sa mga edad na ganoon ay kinakailangan na mayroon akong bagong kagamitan. Kailangan kasi na bago ang aking damit kapag bumisita kami sa aming mga kaanak upang hindi naman daw ako magmukhang kaawa-awa. Kahit ako na lamang ang makaporma, para naman daw ako magmukhang mayaman. Iyon ang mga pangamba ng aking mga magulang.
Inalok ng aking ama ang isang tiyahin na pintahan ang buong bahay niya. Sobrang wala na kasi siyang magawa. Wala siyang mahanapan nang ipambibili para sa aking mga kagamitan. Kung may isip lang ako noong mga panahon na iyon, tiyak ay pipigilan ko siya. Bakit nga naman kailangan pa naming magkunwari na mayroon? Ang Pasko ba ay para lamang sa mga bagong kagamitan?
Buong tiyagang pinintahan ng aking ama ang buong bahay ng aking tiya. Mag-isa lang niya iyon ginawa upang masolo ang kita. Sa mga pagkakataong tulad nito, hindi na niya kailangan ng katulong. Tiniis niya ang buong araw na paglanghap sa masangsang na amoy ng thinner. Pilit niyang inabot ang mga kasuluk-sulokan. Ilang araw niya itong ginawa. Marahil ay pagod-pagod na siya ngunit dala ng pagnanais niyang mabigyan ako ng magandang kagamitan para sa 25 buong sipag niyang tinapos ang pagpinta ng buong kabahayan. Inalay niya ang ilang araw ng kanyang hirap at pagod para lamang sa akin. Para lang maging masaya ako sa araw ng Pasko kahit hindi ko pa ito naiintindihan.
Ang karampot na kinita niya sa pagpipinta ay ipinambili niya ng isang set na adidas; shorts, t-shirt, medyas at sapatos. Ito kasi ang usong damit at paniguradong bagay-bagay sa akin ang mga iyon. Siguro nga ay buong yabang kong ibinalandra ang mga bagong damit na walang kamalay-malay kung paano ako nagkaroon ng ganoong klaseng damit. Bata pa kasi ako noon, hindi ko pa alam. Wala pa akong ideya ng mahirap o ng mga pinaghirapan. Wala akong kamuwang-muwang. Siguro nga ay kada nagagasgasan ang aking sapatos o nasisira ang mga hibla ng sinulid ng aking adidas ay napapailing na lamang ang aking ama. Hindi ko kasi alam na grabe pala ang sinuong niya mabihisan lang ako ng husto para sa araw ng Pasko.
Kaya tuwing naalala ko ito ay napapaluha ako. Kada nakakakita ako ng adidas ay naaalala ko kung gaano ako kamahal ng aking ama. Handa siyang ibuhos ang ilang araw ng pagtatrabaho para lamang mabigyan ako ng kaunting karangyaan. Inuna niya ako at ibinalewala ang sarili. Sana ay magawa ko ito para sa kanya, ang magsakripisyo para sa kanyang kauna-unahang adidas.

Bata-bata, Bakit Ka Nagawa?

Bakas sa kanyang napakagandang mukha ang kamusmusan. Ang malabirhen niyang mukha ang nagpapatunay ng kanyang kainosentehan. Ang kanyang matamis na ngiti, ang kanyang malambot na kamay, ang kanyang makinis na kutis, ang kanyang balingkinitang katawan; lahat ng ito ay nagpapatunay na siya ay labing-anim na taon pa lamang. Malayo pa ang mararating niya. Marami pa siyang pangarap na nais tuparin. May naghihintay pang magandang bukas sa kanya. Kaya nga lang ay mauudlot ang lahat ng ito dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari. Pangyayaring magpapabago sa takbo ng kanyang buhay. Pangyayaring bubura sa iginuhit ng tadhana.
Unang taon niya sa kolehiyo. Bilang panganay na anak sa isang maralitang pamilya, siya ang inaasahang magtataguyod sa sariling pamilya. Siya kasi ang nakatadhanang tutupad ng kanilang pangarap na makaahon sa pagkakalugmok sa kahirapan. Bilang panganay sa apat na magkakapatid, inaasahan siyang pag-aaralin niya ang kanyang mga kapatid sa kolehiyo. Tumatanda na ang kanyang mga magulang at lumiliit na ang tsansang maitataguyod pa nila ang pagkokolehiyo nila. Isa pa, iskolar siya sa isang kilalang pamantasan. Siguradong magiging magaling siya sa kanyang kurso at tiyak na dadapo siya sa isang magandang trabaho na may maayos na sahod. Sahod na maaaring pagkasyahin upang mairaos ang pag-aaral ng tatlo pa niyang kapatid. Unang taon sa kolehiyo.Bagong karanasan, bagong yugto ng kanyang buhay. Bagong yugto na maaga palang mauudlot.
Hindi niya masabi sa kanyang mahal na ina ang kanyang kasalukuyang sitwasyon. Paniguradong hihimatayin ito at sobrang magugulat. Lalo nang hindi niya maaring ipagtapat sa kanyang ama sapagkat iba ito magalit. Disiplinaryan kasi ito. Mahigpit. Ngunit ang kahigpitan na ito ay nagawa niyang takasan. Nagawa niya ang hindi dapat gawin. Nabuo sa kanya ang hindi pa dapat mabuo. At higit sa lahat, sinira niya ang kanilang mga pangarap. Pinalitan niya ng pangamba ang natitira nilang pag-asa. Nagawa niyang ipagpalit ang isang magandang panaginip sa isang masalimuot na bangungot.

21 anyos siya. Walang trabaho maliban sa pagbu-bookies niya. Palibhasa hindi niya natapos ang pag-iinhinyero sa Feati. Marahil dahil sa kakapusan. Marahil naengganyo kasi siya sa laki ng kinikita sa karera. Bakit nga naman kailangan pang tapusin ang kolehiyo kung sapat na ang kinikita niyang pera, marahil nga ay mas malaki pa. Masasayang lang ang kanyang oras at panahon. Mas maganda nang kumita ng mas maaga. Ito ang naging prinsipyo niya sa buhay. Sanay na kasi siya sa ganitong sitwasyon. Maaga siyang namulat sa kakapusan. Napilitan siyang maghanap ng pagkakakitaan kahit siya ay musmos pa lamang. Habang ang ibang bata ay abala sa habulan at patintero, siya ay abala sa kanyang basahan at biton. Habang ang kanyang mga kaklase ay nagpapasikatan sa bilis ng pagtakbo, siya ay nagpapasiklab sa pagpapakintab ng mga sapatos. Nasubukan rin niyang maglako ng kalamay at ng kung ano-ano. Tuwing bakasyon ay tumitira siya sa kanyang mga tiya. Naroon siya hindi upang magbakasyon. Nagsisilbi siya sa kanyang mga tiya at pinsan upang kumita ng pera. Tagaluto, taga-igib, minsan kusinero o kaya nama’y hardinero. Basta kung ano ang iuutos, kailangan niya iyong gawin.
Siya kasi ang pinakasanay magtrabaho sa kanilang magkakapatid kahit siya ang bunso. Palibhasa hindi na niya naabutan ang karangyaan. Galing siya sa isang prominenteng pamilya. Sa katunayan ay tatay niya ang kontraktor ng mga malalaking istruktura ng gobyerno. Tulad na lamang ng Quirino Grandstand, tatay niya ang may gawa noon. Marami silang bahay noon at masasabing napakayaman nila. Sa panahon na iilan lamang ang may kakayahang makapg-aral sa pribadong paaralan, silang magkakapatid ay sa Baste at Poveda nagsisipag-aral. Hatid-sundo sila ng kanilang mahal na ina gamit ang kanilang chedeng. Iyon nga lang ay sandaling panahon niya lamang ito naranasan. Nahuli kasi ng kanyang inay na may ibang babae ang kanilang tatay at nagdesisyon itong lumayo at itaguyod mag-isa ang pamilya. Simula noon ay naging mas mahirap pa sila sa daga. Simula noon natutuo na siyang maging laman ng lansangan, hindi para maglaro, kundi ay para maghanap ng pagkaing mailalapag sa kanilang mesa.

“Buntis ako,” sambit niya. Ito ang dalawang salitang nagpatigil ng kanilang mundo. Alam kasi nila na wala pa silang kakayahan bumuo ng pamilya. 21 na siya ngunit 16 na taon lamang siya. Isa pa, hindi naman sila legal na magkasintahan sa kanila. Paano nga naman siya mamamanhikan? Kung makakaakyat man siya sa kanilang bahay, paano naman niya ito ipagtatapat? At kung mapagtapat man nila, paano niya iilagan ang mga suntok na sasalubong sa kanya? Isa pa, paano niya bubuhayin ang mag-ina? Sa karera? Paano kung magkaraid? Paano kung makulong siya, e di lalong mas kaawa-awa ang mag-ina?
“Ipaglaglag mo na lang muna,” buong tapang niyang sinabi. Napaluha siya habang hinahaplos niya ang kanyang umuumbok na tiyan. Hindi niya ito kayang gawin. Natatakot siya. Hindi niyang kayang pumatay ng isang walang kamuwang-muwang na sanggol lalo na nang kanyang sariling anak. Naisipan niyang lumayas at magpunta sa isang institusyon na nag-aaruga sa mga disgrasyada.
“Pananagutan kita. Tara at pupunta tayo sa bahay ninyo.” biglang pagbabago ng kanyang isip. Buong tapang nilang hinarap ang kanyang magulang. Naging magulo ang tagpo. Hindi matanggap ng kanyang ama na mag-aasawa sa murang edad ang kanyang panganay na anak. Pinalayas siya at sinabihang huwag na muling tutuntong sa kanilang pamamahay. Itinakwil siya at pinagtabuyan.
Pinangatawanan nila ang kanilang sitwasyon. Sinalo ang pangungutya at panghuhusga ng mga nagmamalinis. Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang isang matalinong dalagita ay mapapasubo sa ganitong sitwasyon? Bakas pa sa kanya ang kainosentihan. Hindi pa nila kayang bumuo ng pamilya. Hindi pa nila kayang bumuhay ng sanggol. Hindi pa nga nila kayang tustusan ang sarili nila, magdadagdag pa sila ng isa.
Kaya napilitan siyang tumulak sa ibang bansa dala ang pag-asang may naghihintay sa kanyang magandang kapalaran upang maitaguyod niya ang mag-ina. At noong Mardo 23, 1982, ganap na ala-una ng umaga ay isinilang ang kanyang anak. Hindi niya nasaksihan ang pagsilang ng kanyang anak, anak na siyang dahilan kung bakit kailangan niyang mangibang-bayan. Isang sanggol na hindi nila mawari kung isang dagdag na pasanin o isang biyaya. Isang sanggol na nagdala sa kanila sa panibagong yugto ng kanilang buhay.

Tuesday, March 28, 2006

Ang Litanya ng Bakit

Bakit ba ang tao ay mahilig magtanong ng bakit? Bakit kailangan na tuwing makakamtan mo ang kasagutan ng iyong tanong ay susundan mo ito ng tanong na bakit? Bakit ba ang tao ay mahilig magtanong ng bakit kahit na maraming pagkakataon na ang mga tanong na bakit ay tila walang kasagutan? Bakit ba talaga natin ninanais na masagot ang mga tanong na bakit kahit alam natin na hindi sa lahat ng tanong ay may kasagutan? Bakit kapag sasagot ka sa isang katanungan ay kailangang may baon ka ng sagot sa susunod na tanong na walang iba kundi ang tanong na bakit?

Bakit madalas na kapag sinabi mo sa isang tao na mahal mo siya ay sunod niyang itatanong ay kung bakit mo siya iniibig? Bakit di niya alam na mahirap talagang ipaliwanag ang pag-ibig? Bakit di natin naiisip na may mga bagay na mahirap ipaliwanag? Bakit kapag may isang bagay kang nagawa ay kailangang alam mo kung bakit mo ito ginawa? Bakit kasi lahat ng bagay ay kailangang may dahilan? Bakit kasi ang tao ay parang ginawa para mag-usisa sa mga bagay-bagay sa kanyang paligid? Bakit kasi hindi niya matiis na hindi malaman ang dahilan ng mga pangyayari? Bakit kailangang malaman niya ang buong katotohanan kahit na hindi naman ito hinihingi ng pagkakataon? Bakit hindi niya alam na minsan napakasakit ng katotohanan? Bakit kasi ang katotohanan ay hindi maaring maikubli? Bakit sa isang banda ay higit na mainam na hindi na lamang ilahad ang buong katotohanan para wala na lang masasaktan?

Bakit kasi ang tanong na bakit ay sadyang napakakomplikadong tanong? Bakit mahirap sagutin ang tanong na bakit? Bakit pa kasi naisipan ng tao na magtanong ng bakit? Bakit kasi ang tao parang napakaintrimitido? Bakit parang nabubuhay lang ang tao para malaman niya ang sagot sa bakit? Bakit hindi niya ba kaya mabuhay kung hindi siya magtatanong ng bakit? Bakit hindi niya kay hindi magtanong ng bakit sa isang araw? Bakit kasi madaming tanong ang tao? Bakit kaya hindi na lang mag-imbento ang mga siyentipiko ng isang mekanismo o makina na kayang sumagot ng lahat na tanong na bakit? Bakit kasi hindi na lang pinag-aralan ni Sigmund Freud, Karl Marx, Max Weber, Carl Jung, Jean Piaget, Simone De Beauvoir, Cora DuBois, Friedrich Nietzsche, Jose Rizal, Rolando Tolentino, Dra. Margarita Holmes, Xerex Xaviera, Prof. Jerome Bailen at marami pang iba kung bakit ang tao at ang kanyang lipunan ay mahilig magtanong ng bakit, o kung meron mang pag-aaral tungkol sa tanong na bakit, bakit hindi ko alam o bakit hindi ko ito napag-aralan?

Bakit kaya hindi napapag-usapan sa loob ng silid-aralan kung bakit nagtatanong ng bakit? Bakit ang mga mag-aaral ay mahilig magtanong ng bakit ngunit sadyang hindi nila alam kung bakit normal na lang sa kanila ang magtanong ng bakit? Bakit kaya ang mga estudyante ay nag-aaral kahit minsan ay wala naman talaga silang kongkretong dahilan kung bakit sila nag-aaral, o kung meron man, bakit parang minsan ay hindi ito akma sa tunay na layunin ng pag-aaral, ang karunungan? Bakit minsan pumapasok na lang sila hindi para sila ay may matutunan kundi para lamang makakuha ng mataas na grado? Bakit kaya kailangan nilang mangopya? Bakit, ang mataas na grado lang ba ang tunay na sukatan ng karunungan?

Bakit kasi ang dami kong tanong na bakit? Bakit kasi ang pakialamero ko? Bakit ko kasi naisipan pa ang proyektong ito? Bakit kasi hindi na lamang ako sumama sa ibang grupo? Bakit kasi naisipan kong magsulat ng artikulong tungkol sa bakit? Bakit hindi na lang tungkol sa tanong na Ano ang isinulat ko? Bakit ba wala akong maisulat bukod dito? Bakit hindi ko alam kung bakit?

Bakit parang naiinis ka na sa akin? Bakit mo kasi tinapos basahin itong artikulo kong pinamagatang Litanya ng Bakit na puro bakit lang naman at walang kasagutan tungkol sa bakit? Bakit ka kasi kumuha ng kopya? Bakit, wala kang tanong na bakit? Bakit???

Ang Kultura ng Pangongopya

Isa sa mga karaniwang nararanasan ng isang estudyante—matalino man o mahina, bibo man o hindi, masipag man o tamad, palapasok o palaliban, sipsip o kinaiinisan ng guro, tahimik o magulo sa klase, magaling man o naggagaling-galingan—ang kultura ng pangongopya. Isa itong praktis na parang hindi kayang iwasan ninoman. Isa itong normal na gawain ng isang estudyante na sadya namang kinaiinisan ng mga guro. Isa itong natatanging talento na pinagyayaman ng matinding pangangailangan.

Marahil ikaw ay magmamalinis, pwedeng hindi ka nangongopya pero sa katotohanan ay ikaw din ay sangkot sa pagpapalaganap ng kultura ng pandaraya. Maraming pagkakataon na tinutulungan mo ang iyong katabi upang mabawasan ang kanyang mabigat na pasanin sa gitna ng pagsusulit sa pamamagitan ng iyong mabuting hangarin na siya ay bahaginan ng iyong kaunting kaalaman sa panahon na ipinagbabawal ang pamamahagi ng karunungan. Dahil tayo ay likas na matulungin, maraming pagkakataon na isinasantabi at sadyang kinakalimutan natin ang tunay na kahalagahan ng mga pagsusulit, ang sukatin ang natutunan ng bawat isa sa isang suheto. Marami ring pagkakataon na ayaw naman talaga nating magpakopya dahil sa takot na tayo ay mahuli at maparusahan pero sa kadahilanan na ayaw natin mabansagan na madamot, mayabang o sipsip, binabalewala natin ang ating takot. Minsan dahil sa pakikisama sa ating mga kaklase at matalik na kaibigan. Ayaw nga naman natin makita ang ating masisipag na kaibigan na bumagsak sa isang pagsusulit na hindi naman nila pinaghandaan. Tayo ay laging handang tumulong at magbigay ng mga kasagutan sa mga tanong na nakapagpapadugo sa kanilang utak. Tila ay “marangal” at “maprinsipyo” ang ating ginagawa. Masarap nga namang pakinggan mula sa iyong kaklase ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pag-akay sa kanya upang malampasan ang isang napakabigat na pagsubok na binigyan naman siya ng mahabang panahon para paghandaan.

Marahil sasabihin ng mga guro na wala namang magandang maidudulot ang pangongopya ngunit sa katotohanan ay marami itong naitutulong sa paghubog sa isang tao. Bukod sa pagkakaroon ng pagkakataon na makakuha ka ng mataas na marka kung makakapili ka ng magandang pwesto na malapit sa matalino at masipag mong kamag-aral, itinataguyod din nito ang kooperasyon at pagkakaisa na parang mala EDSA Revolution. Sabi nga ng matatanda, mas mapapadali ang ating trabaho kung tayo ay magtutulung-tulong at magsasama-sama. Dahil sa kultura ng pangongopya ay nagkakaroon din tayo ng mga kaibigang tila sa pangarap lang natin maaring makasama. Mayroon kasi tayong personal na hangaring mapabilang sa grupo. Kung mayroon kang kakayahan magpakopya, siguradong pwede kang mapasama sa kanila bilang pagtanaw ng utang na loob sa iyong mala-“Gawad Geny Lopez” na pagtulong. Asahan mo na hindi ka nila makalilimutan tuwing kayo ay may pagsusulit. Ang pangongopya ay nakatutulong din upang ang tao ay maging isang matapang na nilalang. Hindi biro ang takot at kaba na pagdadaanan ng isang estudyante habang siya ay nangongopya. Para kang isang matapang na rebolusyonaryong handang suungin ang anumang hadlang makakopya lang. Ito rin ay nakatutulong sa pisikal na aspeto ng tao. Habang ikaw ay nangongopya ay kaya mong pahabain ang iyong leeg at palinawin ang iyong mata. Tila isa kang miyembro ng X-Men na mayroong kakayahang makita ang hindi kayang sipatin ng isang normal na nilalang. Makatutulong din ang pangongopya kung ninanais mong maging espiya. Nagsisilbi itong paghubog ng iyong kakayahan na marinig at maintindihan ang mga mensahe na hindi mo masyadong marinig. Kung ikaw ay sinuswerte, madedebelop mo rin ang kakayahan na ihatid ang mensahe na walang ibang nakapapansin sa pamamagitan ng pagbulong at pagpasa ng papel. Ang pinakamagandang naidudulot ng pangongopya ay ang paghubog nito sa kabataang Pilipino para maging isang politiko. Dahil sa pangongopya ay natutunan natin ang kultura ng pandaraya. Hindi naman sa nilalahat ko ang mga politiko pero tahasan naman nating mapapansin na talagang pwede kang makaupo sa pwesto kahit wala kang kakayanan at kredibilidad basta ikaw ay may makinarya ng pandaraya.

Kung ikaw ay nakumbinse at gustong maranasan ang mga magandang epekto ng pangongopya, naghanda ako ng mga hakbang upang mapagyabong ang nasabing kakayahan. Unang-una, huwag ka makinig at mag-aral, paano ka nga naman mangongopya kung alam mo na ang mga sagot. Pangalawa, siguraduhing nakapagpahinga ng mabuti isang araw bago ang pagsusulit upang makondisyon ang iyong mata at leeg para sa napakahirap na gawain kinabukasan. Siguraduhin na komportable ang tutulugan at baka ikaw ay magka stiff-neck, sadyang mahirap mangopya kung may iniindang karamdaman. Pangatlo, huwag kang pumasok ng maaga, magpahuli ng mga kinse minutos sa gayon ay makapipili ka ng magandang pwesto malapit sa matalino mong kaklase. Huwag maupo sa likod dahil baka magkakutob ang iyong guro na ikaw ay mangongopya. Mas maganda sa harapan, sa tabi mismo ng mesa ng guro para sa gayon ay malinlang mo siya na nakapag-aral ka at hindi mo kailangang mangopya. Pang-apat, umastang may alam. Yung tipong parang daling-dali ka sa pagsusulit. Habang ginagawa ito ay isagawa na ang mala-James Bond na pagsulyap sa papel ng katabi mong kaklase. Siguraduhing hindi ka napapansin ng iyong guro. Magandang gawin ito sa bandang huling yugto ng pagsusulit dahil sawa at pagod nang magmasid ang guro. Siguraduhin na tama ang iyong nakopya sa pamamagitan na pagdouble-check nito. Tingnan ang papel ng ibang kaklase upang malaman kung parehas sila ng sagot ng iyong nakopyahan. Kung parehas sila ng sagot, malaki ang tsansa na tama ang iyong sagot. At huling-huli ay magpasalamat para ikaw ay makakopya ulit sa susunod na pagsusulit.

Napakasarap talaga ang mangopya, hindi lang dahil napakasarap talaga ng bawal kundi dahil din sa may pagkakataon ka na matapos ang iyong kurso kahit wala kang alam. Sa bagay, mayroon ka namang napala sa pag-eenrol sa isang magandang unibersidad, hindi naman nasayang ang hirap, pagod at pera ng iyong mga mahal na magulang, natutunan mo ang kultura ng pangongopya. Nagkaroon ka rin ng pagkakataon na utuin at gaguhin, hindi lamang ang mga taong nakapaligid sa iyo, kundi pati ang iyong sarili. Ano mangongopya ka ba?

Para Saan Ba Talaga?

Para saan ba itong ginagawa kong pagpasok sa aking paaralan? Bakit ba talaga ako naririto? Bakit kailangan ko pumunta rito kahit ako ay tinatamad at tila nag-aaksaya lamang ng oras? May magandang basehan ba kung bakit kailangan kong gumising tuwing umaga, maghanda ng susuotin, bumiyahe, magbasa, magsulat, makinig, tumulala habang hinihintay ang susunod na klase, gumawa ng proyekto, magriserts para sa aking takdang-aralin, matulog nang maaga at gumising ulit kahit na sinasabi ng katawan kong gusto pa niyang matulog para lang ulitin na naman ang isang araw na sa tingin ko na tatagal pa ng apat na taon?
Sabi nga ng isa sa aking mga kaibigan na mas mabuti na ito kaysa sa bahay ako maglagi, tumambay, manood ng telebisyon, bilangin ang mga butiki na dadaan sa aking kisame at makipagbolahan kay manang. Tama siya pero iyon lang ba talaga ang dahilan kung bakit ako naririto, dahil lang ba sa ayaw ko maglagi sa aming tahanan? Sana hindi.
Sabi naman ng iba, masaya raw kasing maging estudyante. Masaya kasing may pinagkakaabalahan ka. Abala ka sa pagtambay at pagbobolahan ninyong magkaklase. Abala ka sa pagsulyap sa magagandang dilag na tila sa pangarap mo lang pwedeng makamtan. Abala ka sa panliligaw. Abala ka sa pakikipagdiyalogo sa iyong mga kaklase tungkol sa magagarang kotse, damit at kung ano-ano pa na di naman konektado sa pag-aaral. Abala ka sa paggasta ng iyong baon. Abala kang pumasok sa loob ng silid-aralan para hindi makinig. Abala ka sa maraming bagay. Oo masarap talagang pumasok kapag ganito lang ang gagawin mo pero kapag dumating na ang panahon na kailangan mo nang magpasa ng mga proyekto na di mo malaman kung ano ba ang kabuluhan sa iyo, nakakainis maging estudyante. Lalo na kapag panahon na ng pagsusulit, nakababagot mag-aral nang mag-aral para lang sa isang pagsusulit na hindi mo naman ikamamatay kung ikaw ay lalagpak.
Ang iba naman ay dahil lang nais ng kanilang magulang na sila ay makatapos sa pag-aaral. Handa silang makipagbunuan ng isip, magpagod, magpuyat, pumasok araw-araw dahil sa ito ang gusto ng kanilang magulang. Mas gusto na nilang isakripisyo ang sariling kaligayahan kaysa nga naman mapagalitan. Napakabuting anak.
Ang iba naman ay dahil lamang gustong ipakita na sila ay sadyang matatalino. Na kahit anong ituro ay maaalala nila. Na kahit anong pagsusulit ay kaya nila. Na kahit nakatatamad ang lektyur ng guro ay handa silang makinig. Na kahit na umulan ng apoy ay papasok pa rin sila para lang makakuha ng mataas na marka na nagpapatunay ng kanilang “dedikasyon.”
Ang iba naman ay dahil sa gusto nilang maabot ang kanilang minimithing pangarap. Nag-aaral sila dahil sa mayroon daw na magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila. Dahil kapag nag-aral daw ay makakuha ng magandang trabaho na may mataas na sahod na makapagbibigay sa iyo ng oportunidad na mabili ang ninanais mo para sa isang kumportableng buhay.
Para saan ba bakit ako nag-aaral? Dahil ba sa ito ang gusto ng aking magulang? Dahil masaya ako sa piling ng aking mga kaibigan? Dahil masarap makipagbolahan araw-araw? Dahil ba sa aking nililigawan? Dahil ba sayang din ang baon? Dahil ba gusto kong ipamalas na ako ay mayroon ding kaunting katalinuhan? Dahil ba sa aking mga pangarap? Para saan ba talaga?
Sana magkaroon ng pag-aaral kung bakit kailangan mag-aral ng mga mag-aaral upang mapag-aralan ng mga mag-aaral ang tunay na aral sa likod ng pag-aaral sa loob ng paaralan.

Wikang Filipino sa Panahon ng Globalisasyon

Ano na ang nangyari sa ating sariling wika? Tila nilamon na ito ng mga wikang banyaga, partikular ng wikang Ingles. Kung mapapansin mo sa araw-araw na pamumuhay ng isang karaniwang Pilipino, hindi maaaring sa isang kaswal na talakayan ay hindi siya gumamit ng wikang Ingles. Tila natural na sa kanya ang paghalo ng wikang Filipino at wikang Ingles upang ihatid ang mensaheng nais niyang iparating sa kausap. Marahil, hindi lang talaga kaya ng mga Pilipino na makipag-usap na gamit lamang ang sariling wika.
May mga nagsasabing ang dahilan kung bakit nagkaganito ang mga Pilipino ay sa kadahilanang kapos ang kanyang kaalaman sa sariling wika. Tila wikang banyaga sa kanya ang sariling wika. Kahit simula elementarya ay mayroon tayong asignaturang Filipino pero bakit nagkakaroon ng kakulangan ng kaalaman sa paggamit ng ating sariling wika? Biruin mo, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa sekondarya, at kung suswertehin ay apat na semestre sa kolehiyo. Ito ay mahigit 10 taong pag-aaral ng sariling wika, subalit bakit hindi naging bihasa sa sariling wika ang mga Pilipino? Karaniwan ay tila bihasa pa sa wikang Ingles ang isang estudyante.
Marahil sasabihin mo na hindi naman lahat ay mas magaling mag-Ingles kaysa sa Filipino. Oo nga, marami ring estudyante na baluktot at nakakatawa mag-Ingles pero lahat naman tayo ay baluktot rin magsalita ng sariling wika. Napansin mo ba na sadyang mas mahirap gumawa ng isang pormal na sulat gamit ang Filipino kaysa Ingles? Naalala ko tuloy noong pinagawa kami ng diskors sa Filione, halos lahat ay umangal marahil dahil nahihirapang gumawa ng isang kritikal na sulatin gamit ang wikang Filipino. At noong nakita ng aking mga kamag-aral ang aking nasulat na diskors medyo natawa at bumilib sila sa mga ginamit kong salita. Sabi nila ang lalim ko daw mag-Tagalog. Ako ay natawa sapagkat alam ko ang kamangmangan lamang nila sa wika ang nagtulak upang sabihin iyon. Sa katotohanan ay hindi naman malalim ang mga ginamit kong salita. Ito ay mga karaniwang salita lamang sa Filipino. May mga pagkakataon pa na sila ay nagtatanong kung ano sa wika natin ang ibang salitang Ingles. Tila mas malawak pa ang bokubolaryo nila sa Ingles kaysa sa Filipino.
Minsan naman ay nakausap ko ang aking isang kaibigan na nagtatrabaho na. Ibinilin niya sa akin na kailangan kong magpakabihasa sa wikang Ingles para matanggap sa isang magandang kompanya. Mula daw sa interbyu hanggang sa araw-araw na pagtatrabaho ay kakailanganin ko raw ang kabihasaan sa wikang Ingles. Tama siguro siya sa isang banda. Ang Ingles ay wika ng globalisasyon kaya marahil kailangan ko ito upang makapasok sa isang malaking kompanya. Pero teka lang, bakit nga pala noong ako ay lumahok sa miting na may kasamang mga Koreano at Hapon, bakit sila ay hindi naman ganun kabihasa mag-Inggles? Bakit sila ay mayroong magandang trabaho kahit na mas magaling pa mag-inggles ang isang Pilipinong nasa unang baitang?
Napakaswerte na mga ibang nasyon dahil pinapahalagahan nila ang sariling wika, tulad ng mga Intsik, Hapon, Koreano, Pranses, at marami pang iba. Kung makikita mo sa kanilang bansa, pinilit ng mga multinasyonal na kompanyang isalin sa kanilang wika ang mga produktong kanilang ibinibenta. Kung makikita mo sa kanilang mga pangkaraniwang ginagamit sa araw-araw, tulad ng sabon, syampu, gamot, at kung ano-ano pa, ang mga direksyon nito ay nakalimbag sa kanilang sariling wika. Samantalang sa atin ay nakasulat ito sa wikang banyaga. Pati nga ang ating mga batas ay nakasulat sa wikang banyaga. Paano naman maiintindihan ng isang karaniwang Pilipino ang mga batas na kailangan niyang sundin kung ito ay pangunahing nalathala sa wikang banyaga. Oo nga, baka kasi higit na malito ang Pilipino sa sariling wika. Baka mas kailangan pa niya ng diksyunaryo upang maintindihan ito kung nakasulat sa Filipino. Minsan din ay nakakita ako ng isang desisyon ng korte. Mayroon itong 20 pahina na komplikadong nakasulat sa Ingles. Paano naman maiintindihan ang desisyon ng korte kung isusulat ito ng sobrang komplikado sa ibang wika? Bakit hindi na lang Filipino ang ginamit para dito? Naisip ko nga na baka pati ang batas natin ukol sa Wikang Pambansa ay nakasulat din sa wikang banyaga.
Bakit ba kasi hindi natin magamit nang maayos ang ating sariling wika? Bakit mas ninanais natin na maging bihasa sa wikang banyaga? Bakit kasi kulang ang pagpapahalaga natin sa sariling wika? Bakit parang nandidiri tayong magsalita ng sariling wika sa mga pagtitipon? Bakit parang baduy ang isang Pilipino kung Filipino ang kaniyang gagamitin? Bakit parang nagsisilbing mas astig ka kung magaling ka mag-Ingles? Bakit kasi mahilig ang karamihan sa atin na ipakita na angat tayo sa buhay sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Ingles?
Wala akong galit sa mga nagsasalita at bihasa sa Ingles. Ako rin naman ay may kaalaman sa wikang ito. Alam ko rin na kailangan natin ito dahil sadyang nilamon na tayo ng koloniyalismo. Nilamon na tayo ng mga imperyalistang bansa. Ang sa akin lang ay sana maging pamilyar at bihasa tayo sa sariling wika. Huwag natin itong ikahiya. Hindi naman kasi nakakahiya na gamitin ang ating sariling wika sa pakikipag-usap. Kung nakakahiya ang wikang Filipino, nakakahiya ang maging isang mamamayang Pilipino.

Pera

Ang pera ay pinakamakapangyarihang bagay sa ating makabagong panahon. Ito ang puno’t dulo ng halos lahat ng bagay ngayon. Ito ang dahilan kung bakit kailangan mag-aral, kung bakit kailangan magtrabaho, kung bakit kailangan magsipag, kung bakit kailangan gumawa ng mga bagay na tayo ay napipilitan lamang, kung bakit tayo nagpapaalila sa sistema na kinasusuklaman natin, kung bakit may nangungurakot, kung bakit may maraming gustong pumasok sa politika, kung bakit may giyera, kung bakit may mga manloloko, kung bakit nauso ang mga pyramiding scam, kung bakit may mga magnanakaw, at marami pang iba. Marahil sasabihin mo na sadyang walang katotohanan ang aking sinasabi na hindi naman talaga pera nagtutulak sa isang tao upang kumilos, pero sa realidad ay parang pera lang naman talaga ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Parang ginawa ang tao para may makaimbento ng pera, para may magtrabaho para dito, at para may gumastos nito. Sa kasalukuyang panahon, ang tao ay binubuhay ng pera at siya ay binubuhay nito.

Naalala ko pa noong bata pa ako, naitanong ko sa aking sarili kung bakit ba kailangan ko talagang mag-aral. Paano kasi halos lahat ng tao na nasa paligid ko ay hinahabilinan ako na mag-aral ng mabuti ng sa gayon ay ako raw ay makakuha ng matataas na marka na maghahatid sa akin sa tugatog ng tagumpay. Ang tagumpay na magkaroon ng magandang trabaho at mataas na sweldo. Sa maikling salita, magkaroon ng maraming pera. Minsan nga nakakainis na ang paulit-ulit na paalala ng aking mga magulang na kung hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral, ako daw ay maghihirap. Tanggap ko naman na sa panahon ngayon ay kailangan natin ng pera upang mabuhay. Kaya nga ako ay nag-aaral dahil sa habilin ng aking magulang na kailangan kong mag-aral para magkapera. Ngunit, pera lang ba talaga ang dahilan? Biruin mo, halos ikatlong bahagi ng iyong buhay ay iuukol mo sa pag-aaral para sa mga natitirang taon mo ay magkaroon ka ng kapasidad na magkaroon ng pera.

Ang lahat ng tao ay nangangarap ng magkaroon ng maraming pera, pera na siyang dahilan ng kasakiman. Pera na siyang dahilan kung bakit may mga isnatser, swindler, iligal rekruter, holdaper, kidnaper, at kung anu-ano pang masamang propesyon na nagtatapos sa “er.” Pera na siyang laging pinoproblema ng mga magulang. Pera na siyang laging pinoproblema ng gobyerno. Pera na siyang dahilan ng inggit. Pera na siyang dahilan ng diskriminasyon. Pera na siyang sumisira sa mga magigiting at maprinsipyong tao.

Pera, pera, pera! Pera na siyang puno’t dulo ng lahat. Pera na makapangyarihan na kayang lamunin ang isang taong marangal. Pera na makapangyarihan, na kayang bumili ng hustisya, na kayang bumili ng bisyo, na kayang bumili ng mga pribilehiyo. Pera na pati ang inosenteng komunidad ng akademya ay kayang lamunin. Hindi lingid sa ating kaalaman na may mga pagkakataon na pera ang dahilan kung bakit may pumapasa, kung bakit may matataas na grado, kung bakit may mga nae-exempt sa pagsusulit.

Hindi ko naman sinasabi na ayoko ng pera o hindi ko siya kailangan. Aminado akong nakapaloob ako sa sistema ng pera na kailangang ikonsumo. Sana lang ay hindi ako nabubuhay para lang sa pera. Pero kung ito lang ang dahilan kung bakit ako naririto, sana naging pera na lang ako.

Kung pera lang talaga ang dahilan na ako narito sa mundo, sana naging halaman na lamang ako para di ko kailangan ng pera. Higit na mainam siguro na nabuhay na lang ako upang magbigay ng oxygen na esensyal para mabuhay ang ibang nilalang kaysa maging isang pinakamatalinong nilalang na ang silbi lamang ay magkaroon at gumastos ng pera.

Katiwalian

Ang lahat ay ayaw ng katiwalian. Kaya daw may kahirapan sa ating bansa ay dahil sa katiwalian sa pamahalaan. Kaya daw hindi umaangat ang ating ekonomiya dahil sa laganap na korupsyon. Kaya baon sa utang ang Pilipinas ay dahil sa patuloy na badyet deficit kada taon. Kailangan mangutang kasi kulang daw sa pondo. Ang mga pondo na dapat ay napupunta sa debelopment ng ating bansa ay nauuwi sa bulsa ng kung sino-sino. Kaya marami ang nagsasabi na ang tanging solusyon upang tayo ay makaalpas sa kasalukuyang estado ng ating ekonomiya ay ang pagsupil sa korupsyon. Pero ano ba ang ugat ng ganitong klaseng problema? Saan ba ito nagmumula? Paano ba ito nangyayari? Sino ba ang sangkot dito?

Ako ay isang mag-aaral. Punong-puno ng ideyolohiya. Sobrang lakas ng prinsipyo. Ang pinakapaborito kong pag-usapan ay ang pagpuna sa pamahalaan. Basta nasimulan na ang diskusyon tungkol sa pamahalaan, lagi ko itong naiuugnay sa katiwalian. Tuloy-tuloy ang pagsasalita, parang miting de avance. Punong-puno ng dunong na nakuha ko sa loob ng klase. Buong tapang kong kinagagalitan ang mga namumuno. Buong tapang kong binubunyag ang bulok na sistema. Kaya nga lang, kapag may pagsusulit, ang lakas ko mangopya. Kailangan kasi. Hindi ko kasi kayang tanggapin ang katotohanan na hindi naman talaga ako marunong, madaldal lang. Mahilig magsalita, mahilig mamuna, mahilig magkunwari. Wala namang nakakaalam na ako ay mandaraya rin kaya tuloy lang ako sa pagpuna ng pandaraya ng iba.

Ako ay isang drayber. Buong araw nagmamaneho sa kalsada upang may kitain naman. Kaya’t panay ang welga namin para ipaglaban ang karapatan naming kumita naman ng mas mataas. Tuloy-tuloy ang pagtaas ng gasolina pero ang pamasahe madalang pa sa bulalakaw kung tumaas. Kaya nga sa inuman namin nila kumpare ay panay ang pagpuna namin sa pamahalaan. Lagi naming sinisisi ang pamahalaan kung bakit kami naghihirap. Lagi naming iniugat ang aming kahirapan sa korupsyon. Mas mataas sana kikitain namin kung walang nanghuhuli. Matigas kasi ang buto ng mga buwaya. Mga walang puso. Kasalanan ko bang pumara bigla yung pasahero kaya ako nagbaba sa “no unloading”? At noong isang araw, kaya lang naman ako nagbeating the red light eh ang trapik kasi. Sayang din yung mga pasahero. Baka maunahan ako. Buti na lang may pang lagay ako. At kung ayaw naman tumanggap ng lagay, dun naman nagtatrabaho si kumpare sa LTO. Kayang kaya niyang maglabas-masok dun kahit di siya empleyado dahil may pabaon naman akong ube o kaya ninoy. Kayang kaya niya iyon lakarin. Wala pang diyes minutos makukuha ko na. Noong nagpa-renew nga ako ng lisensya, tinulungan niya ako. May kaunting pampadulas lang, pero sa kabilang banda, ayos lang ‘yun dahil makakabyahe na ako kaagad.

Ako ay isang abogado. Taga-intindi ng batas. Kami rin ang nagbibigay-kahulugan rito. Kabisadong-kabisado ko ito mula sa konsti hanggang sa kung anu-anong Code. Kaya nga lang batas lang ang alam ko, hindi ang hustisya. Kaya kong bigyan ng hustisya ang lahat, kahit mali pa sila basta may pambayad sila. Naalala ko noong nag-aaral pa ako ng abogasya, nag-aaral ako ng mabuti para maging magaling ako na abogado ng sa gayon ay maging tagapagtaguyod ako ng hustisya. Tagpagtanggol ng tama. Bayani ng mga naaapi. Galit din ako sa korupsyon. Ikinasusuklam ko iyon, noon. Kaya nga lang, medyo malaki rin nagastos ko kaya babawiin ko muna bago ako maglingkod sa bayan. Ang importante lang ngayon ay hindi ang tama kundi ang may pambayad. Makakain ko ba naman ang hustisya? Kaya ko ba ipambili ang hustisya ng magagarang kotse at bahay? Kaya ba ipambuhay ng pamilya ang konsensiya? Ang konsensiya, kayang palipasin yan pero ang gutom, hindi pwede. Isa pa, ang konsensiya ay hindi makabibili ng hustisya. Ang pera, oo. Palagi. Di bale, balang araw magsisilbi ako sa bayan. Lalabanan ko ang korupsyon kapag may 50 milyong piso na ako sa bangko.

Ako ay isang guro. Nagtuturo ako sa kolehiyo. Naglilitanya ako palagi tungkol sa politika. Galit na galit ako sa mga nangungurakot. Gumawa nga ako ng pag-aaral kung magkano ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa korupsyon. Pilit ko iyon sinisiksik sa kukorte ng mga estudyante ko. Ipinapamulat ko sa kanila ang masaklap na katotohanan sa labas ng paaralan. Tinuro ko nga sa kanila ang pamamaraan kung paano sukatin ang korupsyon para kaya rin nila gumawa ng ebalwasyon. Nagpa-exam ako ng araw. Marami namang mataas kaya nga lang nadismaya. Nahuli ko kasi iyong paborito kong estudyante, iyong nagkukwento kanina, na nangongopya. Dapat bagsak na siya. Pasalamat siya paborito ko siya. Ipapasa ko na lang siya. Hindi ko na lang sasabihin kanina. Mabait naman siya at ngayon ko lang siya nahuli mangopya. Isa pa, anak kasi ni dean iyon kaya baka maudlot ang napipintong promosyon ko kapag ibinagsak ko ang anak niya. Bawi na lang ako sa iba. Kapag may nahuli na lang ako na estudyanteng hindi ko paborito.

Ako ay isang negosyante. Mahirap lang kami dati pero ito, sinwerte, yumaman. Dati kaming nakatira sa Balut, ngayon sa Alabang na. Baka isipin mo na iligal iyong negosyo ko. Hindi ah. Maayos iyon. Maabilidad lang ako. Nagsimula ako ng maliit, tapos lumaki ng lumaki kaya ngayon milyun-milyon na ang pera at ari-arian ko. May talento kasi ako sa pagnenegosyo. Nakatulong din iyong mga napag-aralan ko noon sa unibersidad ng mga iskolar. Namulat ako sa kahirapan kaya pinilit kong tuklasin ang solusyon dito. Hindi lang ako naging masipag na mag-aaral noon, nakipartisipa rin ako sa mga isyung panlipunan. Galit na galit ako sa pamahalaan, galit kasi ako sa korupsyon. Isa ako dun sa mga binubumbero noon sa mendiola at intramuros. Kung saan-saan ako nakarating dahil sa pakikibaka. Noong nakatapos na ako, doon lang ako tumigil. Nagnegosyo, kaya ito mayaman na. Kahit hindi na ako nakikibaka, alam ko pa din na aktibo pa rin ang problema, ang korupsyon. Hindi lingid sa kaalaman ko ang mga ginagawa sa loob. Sa katunayan, iyon ang nagpayaman sa akin. May kakilala kasi ako na palaging nagbibigay ng proyekto sa akin. Ako lagi ang nananalo sa mga bidding. Ako lagi kinukuha niya hindi lang dahil sa magaling ang kumpanya namin kundi dahil sa magaling din ako magduktor ng resibo. Hindi ako kurakot ah. Wala naman ako natatanggap, sa kanilang lahat iyon. Nagdudoktor lang ako ng resibo. Kaya nga hindi rin ako nagbabayad ng tamang buwis kasi alam ko naman na kung kani-kanino lang iyon napupunta. Kaya ito dalawa ang libro namin sa negosyo, isang para sa akin at isa para sa BIR. Buti na lang magaling na accountant ang anak ko. Saka na lang ako magbabayad ng tama kapag wala ng korupsyon sa pamahalaan.

Ako naman si Meyor. Matagal na ako dito sa posisyon. Palagi kasi akong nananalo sa eleksyon. Bukod kasi sa mga nagagawa ko, magaling iyong mga taga-kampanya ko. Dapat lang na manalo ako dahil malaki ang nagagastos ko sa kampanya. At marami rin naman akong napagawa dito sa aming bayan. Andiyan yung ipinagawa kong munisipyo na P200M. Iyong simpleng basketbolan sa may purok 1 na mga P15M din ang nagastos ko. Iyong mga dinonate ko na ambulansiya kada barangay, P10M ang isa nun kasi magandang klase. Lagi ko rin ipinapaaspalto ulit iyong hi-way para wala masyadong lubak. Mga P1M kada buwan iyon. Marami rin akong mga iskolar, mga 100 iyon kaya mga P200M ang badyet ko para roon. Pero kahit nagsisilbi ako sa bayan, tinitira pa rin ako ng mga taumbayan. Nawawala kasi iyong pondo ng siyudad. Hindi ba nila nakikita ang aking mga ginagawa. Sa proyekto naman lahat napupunta yung pera ng bayan eh. Mahal lang, kasi perfectionist ako. Gusto ko iyong magandang klase, iyong mahal. Nakatipid na nga kami dun kasi si kumpare ang kontratista ko. Siguro mga kalaban ko lang sa politika ang may pakana nung mga ganoong isyu. Gusto kasing maagaw iyong pwesto ko, mangungurakot kasi. Naiinis lang ako doon sa mga nagwewelga laban sa akin, mga walang utang na loob. Ipinaayos mo na nga iyong kalsada, binigyan mo na ng ambulansya at basketbolan tapos ginawa mo pang iskolar iyong mga anak, tapos sasabihin kurakot ka. Nakakainis, mga walang utang na loob.

Ako naman ay isang sanggol. Kapapanganak ko lang noong isang araw. Naaatat na nga akong lumaki para maranasan ko na kung paano mabuhay. Kaya nga lang ibinalita sa akin noong isang beybi na pangit daw lumaki. Narinig niya sa erpat niya na mahirap daw mabuhay kasi mahirap magkapera. Laganap daw kasi ang lamangan, dayaan at katiwalian. Kung gusto ko daw mabuhay, kailangan matuto akong makisama. Kailangan matuto ako mandaya para magtagumpay ako. Kailangan ko daw lumangoy kasama ang mga buwaya. Kailangan ko daw magpaanod sa agos kundi sigurado malulunod ako. Natakot ako. Nagngangawa. Iyak ako ng iyak para matawag ko ang atensiyon ni nanay. Gusto kong sabihin sa kanya ang aking nalaman, kaya nga lang pagdating niya hindi niya na ako pinagsalita, pinasakan niya kaagad ng tsupon ang bibig ko. Akala niya ay nagugutom lang ako. Siguro ay ayaw marinig ni nanay ang mga sasabihin ko. Siguro, hindi niya matanggap na ang kanyang pinakamamahal na sanggol ay magiging instrumento ng katiwalian pagdating ng panahon. Pilit niya akong pinapatahimik at ginagawang inosente. Sana lang ay hindi ako maging ganoon pagdating ng panahon. Sana ay hindi ako ang katiwalian.

Wednesday, February 22, 2006

Sabi ko na nga ba!!!

Anong tinitingin-tingin mo diyan? Oo, ikaw nga. Tama ang hinala ko na kapag nag-iwan ako ng bakas ay hahanapin mo kung sino ako. Sinadya kong ipaalam sa iyo na pinag-oobserbahan din kita. Binabasa ko rin kung ano ang nasa isip mo. Pinipilit ko kasing intindihin kung bakit ganyan ka mag-isip, walang kwenta. Hindi ko kasi maintindihan kung sino ka ba sa buhay ko at pilit mo akong pinakikialaman. Hindi nga kita kilala at paniguradong hindi mo ako kilala. Sino ka ba? Diyos ka ba? Akala mo kung sino ka umasta. Dahil ba andiyan ka sa posisyon na yan at nagkaroon ka ng karapatan para makialam sa buhay ng may buhay? Dahil ba sa hawak mong kaunting kapangyarihan kaya pilit mong sinisira ang aking reputasyon at pagkatao? Dahil ba sa baluktot mong konsepto ng moralidad kaya pilit mong pinangangalandakan na ako ay makasalanan? Ikaw ba ang gumawa ng mga panuntunan ng tama at mali? Ikaw ba ang nakakaalam ng lahat? Sino ka ba? Para sa akin ay isa kang walang kwentang nilalang. Hindi sa nilalait kita, pero iyon ang ipinaparating ng iyong mga ginagawa.

Samu’t saring isyu ang binabato mo sa akin. Sinisira mo ako sa mga taong totoong nakakikilala sa akin. Winawasak mo ang aking pinakaiingatang pangalan. Binasag mo ang tahimik kong pamumuhay. Gumawa ka ng mga nakapapangambang istorya tungkol sa buhay ko. Pinilit mo akong pabagsakin habang nakatalikod ako. Nilagyan mo ng dungis ang pangalan ko kahit puro kabutihan lang ang gusto kong gawin. Teka lang, kilala mo ba ako? Ano ba ang alam mo sa buhay ko? Mag-isip ka nga. Hindi mo ako kilala. Kung nagawa mo iyon sa akin, mas matindi pa dun ang kaya kong gawin sa iyo. Ang kaibahan lang ay lumalaban ako ng patas. Hindi ako kagaya mo na naghahanap ng kakampi tapos hindi pa ako kayang harapin. Ako kaya ko. Kaya kong ipamukha sa iyo na kaya kong lumaban kahit mag-isa. At higit sa lahat, kaya kong lumaban ng harapan at sabayan. Sa madaling salita, hindi ako duwag kagaya mo.

Ano, magrereklamo ka na naman? Ipagkakalat mo na ganito ang mga naisulat ko? Takot ka na naman ba? Maghahanap ka na naman ng mga kakampi mo? Magsusumbong ka na naman sa mga taong nakakikilala sa akin? Pinilit mo akong maging ganito kaya huwag kang magreklamo. Nananahimik ako noon at hindi kita pinakikialaman. Hindi ko iniistorbo ang buhay mo. Ang hilig mo kasi makisali kaya ito ang napapala mo. Nga pala, nakakatulog ka ba sa mga pinaggagawa mo? Siguro oo, kasi sanay ka na yatang manggago. Para ka kasing demonyong nagkatawang-tao. Nagpipilit ka pa na ipamukha sa ibang tao na napakabait at napakalinis mo. Hindi ba, kasuklam-suklam ang mga ginawa mo? Pinilit mo pang huwag na ako kausapin ng mga tao para ang bersyon mo ang maging tama. Buti na lang hindi sila masama kagaya mo at kinausap nila ako. Nga pala, ano nga ba ang alam mo at putak ka ng putak sa likuran ko? Parang ang tapang mo sa likod ko pero takot ka naman sa akin at hindi mo ako makuhang kausapin ng harap-harapan. Napapahiya ka lang tuloy. Para maganda, magpapakilala ako sa iyo para naman magkaroon ka ng kaunting kaalaman tungkol sa buhay ko.

Normal ako na bata noon, naglalaro at maraming kaibigan. Pero kahit mahilig akong maglaro noon ay mataas pa rin ang mga marka ko dahil siguro nabigyan ako ng kaunting talino. Sa katunayan ay maaga ako nagsimulang mag-aral. Limang taon pa lamang ako noong pumasok ako sa elementarya. Kahit medyo bata ako ay mas nakasasabay naman ako sa aking mga kamag-aral. Sa katunayan ay mas mataas pa ang mga grado ko sa kanila kahit papetiks-petiks lang ako. Kahit hindi ako nagreview ay mataas ang marka ko sa mga pagsusulit. Kaya hindi ko binuhos ang lahat ng panahon ko sa pag-aaral. Itinuon ko ang aking atensyon sa musika. Bata ako nagsimula mag-aral maggitara. Pitong taon lang ako noon. Gusto ko kasing maging kagaya ng tatay ko noon. Gusto ko kasi siyang tumipa ng gitara. Sa awa ng Diyos ay mabilis akong natutong maggitara. Mga dose anyos ako noong magsimula akong tumugtog para sa mga youth fellowship ng aming simbahan. Dito ako nahasa. Alam ko kasi na ginabayan ako ng Panginoon kaya mabilis kong naintindihan ang musika. Mayroon pa ngang nagprophecy sa akin na panauhing tagapagsalita sa gitna ng kanyang sermon na ako daw ay biniyayaan ng Diyos ng talento sa musika, partikular sa mga instrumento. Nabatid niya na payayabungin ng Panginoon ang aking talento. Simula noon ay naging mabilis ang debelopment ng aking talento. Natuto ako ng iba’t ibang instrumento. Kaya noong nangailangan ang bagong tatag na simbahan namin sa Cavite ng keyboardista, malugod kong tinanggap ang responsabilidad.

Sa kasamaang palad, medyo naligaw ako noong panahong iyon. Naging mayabang kasi ako. Kinain ako ng talento ko. At naghanap ako ng pagyayabangan ng talento ko. Natuto akong uminom at manigarilyo para maging “in” sa bago kong barkada. Nalimot ko na ang talento ko ay nagmula sa Kanya. Buti na lang at nadiscern kaagad iyon ng discipler ko. Inalalayan niya ako habang nilalakbay ko ang kapusokan ng aking kabataan. Patuloy akong nagsilbi sa simbahan. Doon nabuo ang pagmamahal ko sa musika. Naisip ko na ito ang gusto kong gawin habambuhay, ang maging isang musikero.

Ngunit hindi sumang-ayon ang aking magulang sa nais kong patunguhan. Pinilit nila akong mag-aral ng pag-iinhinyero sa La Salle kasi iyon daw ang nababagay sa akin dahil magaling daw ako sa numero at ito ang linya ng aming negosyo. Ako ay lubos na nalungkot dahil bigla nilang dinurog ang pangarap ko.

Ngunit may naghihintay pala na oportunidad sa akin. May nakapansin ng aking talento sa simbahan at inalok ako kung gusto ko bang tumugtog sa isang banda na mayroon ng regular na pwsesto at kita. Dala ng aking kabataan, kinse anyos pa lamang ako noon at 1st year sa La Salle, dali-dali ko itong tinanggap. Isinantabi ko ang aking pag-aaral ng walang paalam sa aking mga magulang. Dahil dito ay napilitan akong magsarili. Natuto akong tumayo sa sarili kong paa at hindi naman ako pinabayaan ng aking talento. Ang talento ko ang aking naging puhunan. Ilan taon din akong nabuhay ng nakabukod. Sa murang edad ay naranasan ko nang buhayin ang aking sarili. Naging masaya naman ako. Naisip ko kasi na natupad na ang ipinapangarap ko. Kumikita ako at masaya ako sa ginagawa ko.

Pagkalipas ng 6 na taon ay napuno ako ng lungkot. Para kasing may kulang sa buhay ko. At doon ko napagtanto na napapanahon na upang magbalik ako sa kolehiyo. Nagulat ang aking magulang na naisipan kong mag-aral muli kaya binigay nila ang kanilang suporta. Naging masaya sila sa akin.

Ngayon ko natuklasan na may iba pa pala akong kakayahan. Kaya ko palang magsulat (ayaw na ayaw ko ito noon), maging aktibo sa isang komunidad at maging responsible. Nagkaroon ako ng realisasyon na kailangan ko palang makilahok sa mga isyung panlipunan, politikal at kultural. Natuklasan ko na gusto ko pala ng pagbabago, hindi lamang sa estado ng aking pamumuhay kundi para sa nakararami. Alam ko na hinubog ako ng panahon at karanasan para maging ganito. Kaya ipinapaubaya ko na sa tadhana kung saan man ako makararating.

Doon ay napansin ako ng mga estudyante at hiniling nila akong maging lider. Sa katotohanan ay ayoko sapagkat alam kong mabigat ang responsabilidad na ito. Pero sumagot ako sa hamon ng panahon. Hindi ko man kayang lutasin ang mga problema ay susubukan ko. Alam ko na may kapasidad, kakayahan, talino at talento ako na maaaring makatulong sa kapwa ko. At alam ko na malinis ang hangarin ko. Hindi kasi ako sakim sa rekognisyon. Ayoko ngang nababanggit ang pangalan ko sa entablado. Ayoko ring nakikita ang pangalan ko na nakapaskil sa kung saan-saan. Ayoko kasing kumilos para bumango ang aking pangalan o gumanda man ang aking record. Gusto ko lang umaksyon kasi iyon ang sinisigaw ng puso ko. Gusto ko kasi ay malinis ang motibo at inspirasyon ng aking mga aksyon. Wala kasi akong hangaring masama…

At dito ka na papasok. Ang iyong paninira. Ang iyong masamang motibo.

Basta ang alam ko malinis ang pamumuhay ko. Wala akong ginagambalang tao. Wala akong inaagrabyado. Wala akong sinisirang buhay. At higit sa lahat, may mga totoong tao na nakakikilala at rumerrespeto sa ugali at kakayahan ko. Biruin mo, sinaraan mo na ako at hindi man lang sila nagambala at patuloy pa rin nila akong sinuportahan. Alam kasi nila na wala akong masamang hangarin. Alam rin nilang hindi ako mapanamantala. Kahit bigyan ako ng karampot na kapangyarihan ay kaya kong gamitin iyon para sa ikabubuti ng nakararami. Hindi kagaya mo.

Ngayon mo ilabas ang tapang mo. Ipaglaban mo ang paniniwala mo. Harapin mo ako kahit sa isang diyalogo. . . O kaya mas maganda, suntukan na lang tayo. Ano, payag ka ba?

Magbalik ka!

Kay tagal ko nang hindi nagsusulat. Hindi naman sa tinatamad ako o nawalan ng gana pero tila hindi ako makahanap ng magandang panahon para magsulat. May hinihintay kasi akong tamang tiyempo. Hindi ako yung tipong mapapasulat kasi kailangang magsulat. Mas gusto ko yung may drama, yung tipong inspirado ako kaya ako nagsusulat. Mas trip ko din iyong may beer na kasama. Nasanay kasi ako na itinutulak ng espiritu ng alak, iyong tipong San Miguel na ang nagsusulat. Mas mabilis kasi ako makatapos ng akda kapag nasa ganoon akong estado. Mas gusto kong beer at yosi ang kasama ko kaysa kape at yosi (iyong parang nasa mga pelikula) habang nilalapat ko ang mga letra. Mas tumatakbo kasi ang isip ko pag ganoon. Nagiging mas malawak ang aking mga pananaw at sa tingin mas nagkakaroon ng kaluluwa ang aking mga isinusulat. Hindi naman sa nakadepende ako sa alak para makapagsulat. Hindi mo rin masasabi na kapag lasing lang ako nakakapag-isip ng mas malalim. Mas naiintindihan ko lang ang mga kritikal na bagay kapag nakainom. Gusto ko rin kasi ay emosyonal ako habang nagsusulat. Iyong tipong medyo naiiyak na dahil sa kadramahan ko kahit hindi naman dapat nakakaiyak.

Ako ay nangungulila sa aking sarili. Hinahanap ko iyong nasa loob ko na nagsusulat at nag-iisip. Hindi ko siya makita. Parang naubusan ako ng apoy para tuluyang magsulat ng magagandang akda na malalim pero nakakaaliw. Bakit hindi ko na maulit iyong ginawa ko sa isteydi? Naubusan na ba ako ng mga ideya? O sadyang tama lang ba ng alak kaya ako ganoon ang mga naisulat ko dati? Hindi na ba ganoon kalawak ang aking isipan? Dati kasi ay sobrang dami kong gustong isulat. Pero ngayon, kahit isang pahina ay hindi ko matapos. Makatapos man, walang saysay tulad nitong ginagawa ko. Sana ay bumalik na ang dating ako. Iyong ako na palaging nagmamasid at nag-iisip para ikritik ang lipunan. Iyong buong tapang na nagsusulat, walang sinasanto, walang kinakakatakutan parang mga Tulfo.
Biglaan rin akong naubusan ng mga salita. Dati kasi para akong manunula kapag nagsusulat. Gusto ko iyong medyo pantay. Kahit hindi ko sinasadya, para sa akin ay maganda iyong paglalaro ko sa mga salita. Ngayon, wala na. Para akong kinder na napipilitan lang magsulat. Walang lambing ang mga salita. Walang libog. Sa madaling salita, hindi masarap basahin, nakakasuya. Binabalik-balikan ko nga iyong mga dati kong naisulat, ang sarap basahin. Hindi ko kasi lubos maisip na ako ang nagsulat ng mga iyon. Natutuwa ako na nalulungkot. Masaya ako kasi alam ko na may nagawa akong may kabuluhan. Ana nakakalungkot nga lang ay hindi ko na ito maulit. Parang nawala ang kakaunti kong talento sa pagsusulat.

Sana ay maibalik ko iyong dati. Iyong dating manunulat na kahit nakaISTEYDI lang sa isang tabi ay kayang gumawa ng magagandang akda. Iyong tipong kahit anong oras ay kayang magsulat. Iyong tipong pwedeng manalo sa Palanca. Iyong tipong manunulat na pagsasayangan ng oras ni Jun Cruz Reyes para basahin lang ng bahagya ang kanyang akda. Sana ay huwag ako tuluyang maubusan ng mga ideya. Sana ay huwag ako talikuran ng mga salita. At sana ay manumbalik na ako, isang manunulat na nagsusulat ng buong puso at nakakagawa ng akdang mayroong sariling kaluluwa.

(Kung nais niyo nga palang makakuha ng kopya ng Isteydi, magtext lang kayo sa 09275904586.)

Thursday, December 15, 2005

Timbao

Ako ay handang-handa. Ako ay nasasabik, nasasabik akong pumunta sa Mababang Paaralan ng Timbao upang magsilbing boluntir na guro sa mga bata. Bukod sa dalawang oras na mababawas sa 60 oras na kailangan ko para sa National Service Training Program (NSTP), masaya ako na may maiaambag ako sa komunidad ng Timbao kahit sa maliit lang na paraan. Isa pa, mahilig akong magturo lalung-lalo na sa mga bata.
Ngunit hindi pala ako ganoon kahanda. Handa ako sa mga materyales na aking gagamitin at kending aking ipamimigay sa mga bata. Handa akong ialay ang aking lakas at oras upang mapasaya at malibang ang mga bata. Ngunit hindi pala handa ang aking puso’t isipan sa katotohanang sasambulat sa akin. Isang katotohanang nakikita ko lamang sa telebisyon, nababasa sa mga peryodiko at naririnig sa radyo. Mababakas sa mga bata ang anyo ng kahirapan. Mula sa kanilang pananamit at mga gamit hanggang sa kanilang maliit na silid-aralan. Ako rin ay lumaki sa pampublikong paaralan pero hindi ganito ang aking naranasan. Ang kanilang silid ay madilim at tila malungkot ang paligid sanhi ng bungi-bunging jalousie na hindi nila mabuksan upang malayang pumasok ang liwanag. Damang-dama ko ang init dahil sa mahinang ikot ng lumang bentilador. Ang kanilang munting pisara ay nakapatong lamang sa silya. Maingay sa loob ng silid-aralan na aming kinalalagyan sapagkat hindi abot hanggang kisame ang dibisyon kaya naririnig ang ingay ng kabilang klase. Sa aking palagay, ang kanilang silid ay hindi akma para maging lugar na pagmumulan ng kaalaman at karunungan dahil ito’y mainit, madilim at kulang sa kagamitan.
Nang inilabas nila ang kanilang mga lapis ay lalo akong nanghina. Sa liit ng kanilang mga lapis, halos dalawang pulgada lang ang haba, ay miski yata ang kamay ng sanggol ay hindi ito magawang hawakan. Ngunit sa kabila nito, sila ay nakangiting nagsusulat. Ganadong-ganado kahit hirap na hirap. Sulat nang sulat kahit walang panulat. Marahil ay wala silang pambili kaya sinusulit nila ang lapis hanggang maubos ang lead nito. Naalala ko tuloy ang perang aking sinasayang sa halos araw-araw na pagbili ng bolpen. Mapalad ako kasi palagi akong may pambili. Mapalad ako kasi sobra-sobra ang baon ko.
Pagkatapos ng klase ay namigay ako ng mga lapis at kendi at nagpaalam. Hindi maalis sa aking isipan ang kanilang mga ngiti, mga ngiti na akala mo ay binigyan ko sila ng mamahaling laruan. Mga ngiti na wari mo ay bigla silang yumaman. Ipinagmalaki nila sa kanilang mga sundo ang lapis na bigay ni “Kuya.” Lapis na nanggaling sa aking mga barya na wari mo’y isang milyong piso para sa kanila. At ang mga ngiting iyon ang aking baon sa pag-uwi. Mga ngiting hinihimok ako na bumalik. Mga ngiting nagpabago sa akin. Nga ngiting nag-udyok sa aking sumagot sa hamon, ang tumulong at magsilbi.
Totoo nga ang sabi sa akin ng isa kong propesora. Ang kahirapan ay hindi maiintindihan hangga’t hindi nararanasan. At ngayon ay hindi ko lamang naranasan kundi nakadaupang-palad pa. Karanasang tumalab sa puso at nagpabaon ng ngiti. Mga ngiting nagturo sa akin na matuto naman akong makuntento. Mga ngiting nag-iwan sa aking puso ng aral na hindi ko makukuha sa apat na sulok ng air-conditioned kong klasrum sa La Salle.
Simula noo’y, paulit-ulit na akong bumalik sa Timbao. Bumalik ako hindi upang makumpleto ang oras na kailangan para sa NSTP o matuwa ako at masiyahan sa mga natutunan ko kundi para magsilbi sa mga bata na dapat ay aking tuturuan na siya namang nagturo sa akin na sumagot sa tawag ng lipunan. At kahit matapos ko ang aking NSTP ay patuloy pa rin akong magboboluntir bilang pasasalamat sa ginawa nilang pagmulat sa aking isipan. At sana ay marami pa silang mamulat at maturuang katulad ko. Ang matutong makuntento, magmalasakit at tumugon sa hamon ng naghihikahos nating lipunan.


(Lumabas sa "Pluma:Jornal sa Filipino ng mga Lasalyano Tomo 1 Blg. 1")

Realisasyon


Nag-iisa ako sa aking silid. Pabali-baligtad sa aking kama. Hindi makatulog. Kanina pa takbo nang takbo ang aking isip. Nababalisa ako sa nangyari. Hindi ko akalain na magagawa ko. Hindi ko akalain na sisirain ko. Hindi ko akalain na ganoon din pala ako. Nagsisisi ako pero huli na ang lahat. Ano ba ang nararapat kong gawin? Sabi nila, matalino raw ako, pero nasaan ang talino ko sa mga oras na iyon? Sabi nila ideyalistik daw ako, maprinsipyo, may hangarin na magkaroon ng pagbabago sa sistemang kinapapalooban ko, pero ngayon wasak na ang sariling prinsipyo. Ang pinakatatanging kayamanan ko sa mundo ay bulok din pala. Hindi ko nakayanan ang pangangailangan. Hindi ko naigpawan ang sistema. Hindi ko nagapi ang sarili.
Nagsimula ang lahat noong gitnang-sulit namin sa isang medyo mahirap na sabjek. Sobrang handa ako. Anim na kabanata ng aming aklat ang aking nabasa. Hindi ko man ito ganoon kabisado, alam kong marami akong maisasagot. Isa pa, paborito ko ang asignatura kaya siguradong mataas ang marka ko. Kung pagbabasehan kasi ang mga nakaraan kong kurso na nakuha sa linyang ito, panay kwatro ang aking grado. Kaya mataas ang tingin sa akin ng aking mga kabarkada, nabansagan pang Totoy Bibbo sapagkat kabisado ko ang pasikot-pasikot nitong sabjek. Madami akong sagot, punong-puno ang papel ko at sigurado akong panay tama ang mga iyon. Kung may mali man, iilan lang. Sa kalagitnaan ng pagsusulit, narinig ko ang mga bulong. Tinatawag ako. Paglingon ko ay tumambad sa akin ang isang malaking hamon, walang sagot ang aking mga mahal na kaibigan. Kitang-kita ko ang kanilang pagkabalisa. Medyo natataranta sapagkat walang laman ang kanilang mga papel. Siguradong babagsak sila at mahihirapan nang makabawi. Napagtanto ko na nasa akin ang solusyon sa mga panahong ito. Ako ang sagot sa kanilang mga problema. Ako ang kristo nila sa mga oras na ito. Ang tanong lang ay kung handa ba akong maging isa. Dala ng awa at pakikisama, ginawa ko. "Nagpakadakila" ako. Nagpamudmod ako ng sagot. Alam kong bawal ang aking ginagawa pero ito ang naiisip kong tanging solusyon sa problema ng mga ‘naghihikahos’ kong kaibigan. Pakiramdam ko ay nakatulong ako at siguradong bayani ako sa mata ng aking mga kaibigan. Alam ko na nahahalata ng aming propesor. Hindi siya tanga, bulag at bingi para hindi mahalata ang mga nangyayari. Alam ko sa loob ko na alam niya. Kita ko sa kanyang mga mata sa tuwing magtatagpo ang aming paningin na nakikita niya kung ano ang aking ginagawa. Pero tuloy pa rin ako dahil pakiramdam ko na hindi naman ganoon kasama ang aking ginagawa. Hindi naman ako nangongopya, nagpapakopya lang. At lahat naman halos ay ganun din ang ginagawa. Sumasabay lang ako sa uso. Nagpapaanod lang ako sa sistema. Sinusunod ko lang ang tawag ng panahon.
Pagkatapos ng pagsusulit ay abot-langit ang kanilang pasasalamat. Sabi ko walang anuman iyon. Marunong naman akong makisama. Alam ko na may kahirapan ang sabjek kaya tumulong na rin ako. Laking pasalamat nila sa akin at unti-unti nilang kinikritik ang mga kamag-aral naming malakas mangopya pero madamot magbigay ng sagot. Ako naman ay pinupuri nila sapagkat ang bait ko daw. Hulog daw ako ng langit. Ako naman ay natutuwa sapagkat alam ko na nakatulong ako sa mga nangangailangan. Alam ko na dahil sa akin ay nagbago kahit kakaunti ang kanilang tadhana. Alam ko na ako ang bayani nila ngayon. Nagampanan ko ang pagiging kristo sa kanila.
Ngunit pagkauwi ko ay paulit-ulit kong naaalala ang mga pangyayari. Tila ito isang bangungot na ayaw ko nang magising. Parang dahan-dahang bumabagal ang aking mundo. Kahit anong gawin ko ay para itong linta na ayaw kumawala sa aking memorya. Sinubukan kong lunurin ng alak ang aking memorya upang maibsan ang pagkatuliro at pagkalungkot. Alam kong nagkamali ako. At sa isang iglap ay nagbalik ang alaala ng aking mga sinabi noon. Naging kritiko kasi ako ng ganitong kultura. Ayaw ko ng pangongopya pero ginusto ako nito. Tahasan kong sinabi at sinulat dati ang aking pananaw patungkol dito. Ikinasusuklam ko ito. Nakakatawa ang aking nasulat noon pero iyon ay naglalaman ng aking pinakaiingatang prinsipyo, ang pagkontra sa anumang uri ng dayaan, partikular, sa mundo ng akademya. Taas-noo ko itong ipinanindigan noon sapagkat alam ko na wala silang maibabatong masamang tinapay sa akin. Gusto ko kasi ng mundong matapat. Gusto ko kasi ng pagbabago. Alam ko kasi na ang ugat ng katiwalian sa ating bansa ay hindi sa pamahalaan kundi sa paaralan. Kaya sa maliit na kapangyarihan ng pagsusulat ko ipinahiwatig ang aking advocacy, ang labanan ang ano mang uri ng dayaan sa aming institusyon. Pinanghahawakan ko ang pangakong darating ang panahon na mayroong makikinig sa aking tinig. Kaya nga lang ay ako pala ay bingi rin sa aking sariling sigaw. Ako mismo ang hindi nakakita ng aking isinulat. Ako mismo ang sumira sa aking pinanghahawakan. Hindi pala ang sistema ang aking kalaban kundi ang aking sarili. Naalala ko ang mga taong pumuri sa aking mga naisulat noon. Nasira ko ang kanilang pagtitiwala. Kapag nalaman nila ito ay tiyak na ang respeto nila sa akin ay mawawala. Ako nga ay nawalan ng respeto sa sarili, sila pa kaya. Napatunayan ko na ako pala ay hanggang tinta lang. Nawala sa akin ang kapangyarihan ng pagsusulat. Hindi ako makasulat sapagkat sinasabi ng aking kalooban na hindi naman totoo ang aking mga isinusulat. Nagsusulat lang ako para may mapaglibangan ang iba. Walang nilalaman ang aking mga katha sapagkat wala itong kaluluwa. Wala itong buhay sapagkat akin itong pinatay. Adhikain kong mapalaya ang iba pero ako ay hindi pa pala. Nakakulong pa rin ako sa sistemang aking kinasusuklaman. Isa rin pala ako sa aking kinaiinisan.
Mula rito ay napagtanto ko na kailangan kong gumawa ng aksyon bago ako tuluyang kainin ng sistema. Kailangan kong matuto ng leksyon. Kailangan ay matandaan ko ang pagkakataong ito upang hindi na maulit. Alam ko na kailangan kong itama ito. Pero paano nga ba itama ang mali? Kailangan akong maparusahan sa anumang paraan para manumbalik ang lakas ng aking tinta. Kailangan kong magdusa para magkaroon ng katotohanan ang aking mga naisulat. Kailangan ko ng pagbabago para maibalik sa akin ang aking sariling prinsipyo. Isa lang ang naisip kong solusyon. Tinext ko ang aking propesor. Inamin ko ang aking pagkakamali at hiniling ko na ibagsak niya ako sa pagsusulit. Alam ko na mataas ang marka ko roon. Alam ko na 3.5 ang pinakamababang grado na makukuha ko kung hindi ako zero sa pagsusulit pero ito ang nararapat kong gawin, ang magpakatotoo. Puno ng luha ang aking mga mata hindi dahil sa babagsak ako sa sabjek kundi dahil sa kahihiyan. Nahihiya ako sa aking propesor, nahihiya ako sa aking mga kamag-aral, nahihiya ako sa mga nagtiwala, at nahihiya ako sa aking sarili.
Pagkagising ko ng umaga ay tiningnan ko agad ang aking telepono. May mensahe galing sa aking propesor. Sinabi niyang ikinatutuwa niya ang aking pagiging matapat. Lagi ko daw tatandaan na pwedeng mapasaakin ang lahat ng yaman ng mundo, pero oras na mawala ang integridad ko, balewala ang lahat ng ito. Ngayon ko lang naintindihan ang katagang ito. Naturuan ako ng leksyon na hindi napupulot sa mga libro, na hindi kayang ipaliwanag ng mga guro, na hindi mapapatunayan na naintindihan mo kahit may grado kang 4.0. Naturuan ako ng leksyon na nakukuha lamang sa karanasan, ang aral na tanging sarili lamang ang makapagtuturo.
Noong ibinigay niya ang midterm grade ay alam kong hindi na ako kwatro kagaya ng dati. Sa katunayan ay 1.5 lang ang grade ko. Subalit sobrang tuwa ko sapagkat alam ko na may natutuhan akong hindi kayang sukatin ng grado. Alam ko na ako mismo ay buhay na ehemplo ng aking mga isinusulat. Alam ko na ang pagbabago ay nagsimula na sa akin. Sana ay makita rin ito ng iba. Sana ay magkaroon ng rebolusyong kultural tungo sa pagbabago ng aking pinakamamahal na institusyon. Ang simula ng katapatan sa lahat ng sektor ng lipunan. Ang tuluyang pagkawala ng sistema ng pandaraya at ang pag-usbong ng mga mag-aaral na ang hinahanap ay ang tunay na karunungan, hindi ang gradong 4.0.
(Lumabas sa "Pluma:Jornal sa Filipino ng mga Lasalyano Tomo 1 Blg. 1")

TORPE

Pag-ibig, isang salitang karaniwang naririnig, isang emosyon na maraming nakararamdam, isang parte ng buhay na mahirap iwasan, at isang bagay na mahirap ipaliwanag. Ito ay dumadapo kung kanino man, walang pinipili mapabata man o matanda, may pinag-aralan o wala, lalake o babae, estudyante o empleyado, mahirap man o mayaman. Kahit sino ay hindi ito kayang pigilan, oras na maramdaman ito ay walang kayang gawin kundi unti-unting mahulog pa lalo rito. Minsan ay masaya, minsan ay masakit, minsan ay napakahirap. Masaya ang umibig, ang umibig ng walang kapantay. Napakasaya kasing isipin ang taong mahal mo, hindi mo kasi kayang mapagod na panataliin siya sa isipan mo, at madalas mas ninanais mo pa na naroroon siya kahit hanggang sa pagtulog. Dahil sa pag-iisip nagsisimula kang mangarap, mangarap ng mapunta sa alapaap ng walang hanggang pag-iibigan. Tila ay nasa loob ka ng isang pelikula, napapaloob ka sa mga senaryong talagang nakakapagpapakilig at nakakapagbigay buhay sa iyo.
Itong mga nakaraang araw ako ay naging isang saksi ng isang napakatinding pag-ibig. Lubos na pagmamahal ng isang tao na ng una ay aking pinagtatawanan, aking kinukutya, ngunit ngayon ay aking kinabibiliban. Pag-ibig na siyang dahilan kung bakit siya ay nagpapakatanga, nagpapaalila, at nagtitiis. Pag-ibig na siyang nagpalimot sa lahat ng sakit at kabiguan, na siya ring unti-unting dumurog sa kanyang mga pangarap. Pag-ibig na siyang nagbigay kulay ng buhay noon, na siya ring unti-unting kumikitil nito. Pag-ibig na siyang nagsilbing apoy para sa mainit na pagkakaibigan, na siya ring unti-unting lumalamon sa buo niyang pagkatao.
Noon ay kitang-kita ko sa kanya ang saya, ang saya na dulot ng pag-ibig. Punong-puno siya ng sigla, marahil dahil sa kanyang kasabikan na muling makasama at makausap ang kanyang pinakamamahal. Tila ay hindi kayang alisin ang ngiti sa kanyang mukha, ngiti na nag-ugat sa pag-ibig. Sa bawat panunukso namin ay hindi niya maiwasan mamula na siyang lalong nagpatotoo sa kanyang nililihim na pagtingin. Pagtingin na siguro ay matagal na niyang tinatago ngunit lalong lumalalim. Kitang-kita sa kanyang mga kilos na talagang hindi lamang basta kaibigan ang turing niya sa kanya, ngunit ay isang lihim na pangarap na sana ay ibigin rin siya ng kanyang pinakamamahal. Minsan nga natanong ko sa kanya kung bakit hindi pa niya ipagtapat, wala naman sigurong masama dahil siguro ay may ideya na rin ang kanyang pinakaiibig sa kanyang tunay na nararamdaman. Sinuklian niya lang ako ng ngiti at sinabi na hanggang magkaibigan lang talaga sila. Ako ay nagulat sapagkat inakala ko na nililihim lamang nila sa isa’t isa ang kanilang nararamdaman at naghihintay sa tamang pagkakataon, pagkakataon na handa na silang harapin ang katotohanan na ang kanilang pagiging matalik na pagkakaibigan ay namunga na sa isang malalim na pag-ibig. Ako ay napaisip, marahil ay napahanga, alam ko kasi na hindi niya ginagawa ang mga bagay na iyon dahil sa magkaibigan lang sila, alam ko na mahal na mahal niya na siya. Kitang-kita ko ang kanyang pagtitiis, saksi ako sa mga panahon na ipinaparamdam niya kung gaano na kalalim ang kanyang pagmamahal. At ngayon ay nalaman ko na wala siyang hinihintay na kapalit. Ipinakita niya na sapat na para sa kanya ang iparamdam niya na mahal niya siya.
Sa kasamaang palad, nagkamali siya. Kahit na pilit niya isiniksik sa kanyang isipan na hindi siya naghihintay na masuklian rin ng pag-ibig, alam kong nasaksaktan siya na siya ay nasa piling na ng iba. Tila ay nilimot na siya nito, iniwan sa isang sulok, inisantabi. Kinalimutan ang mga panahon na pinagsamahan nilang dalawa, nilimot ang mga ngiti at tawa, ibinasura ang kanyang pag-ibig. Kitang-kita sa bawat ngiti at tawa nila ay unti-unting nagdurugo ang kanyang puso, unti-unting dinudurog ang kanyang pagkatao. Alam ko na tuwing magkasama sila ay lihim siyang nagmamasid at nangangarap sa isang tabi na siya na lang sana ang nasa posisyon na iyon. Alam ko na siya ay nanghihinayang ngunit hindi nagsisisi. Alam ko na siya ay nasasaktan ngunit pinipilit na maging masaya para sa kanya.
At ako ay hindi nakatiis, nilapitan ko siya at sinabi na sayang ang mga pagkakataon na kanyang pinaalpas, pagkakataon na sana siya ay napasakanya, pagkakataon na sana siya ay puno ng ligaya imbes na lungkot ang kanyang naramramdan ngayon, siya sana ay punong-puno na ng walang katumbas na ligaya. Isa lang ang nasabi niya, masaya ako para kanya, at masaya ako para sa sarili ko dahil alam ko na kahit nalulungkot ako, siya pa rin ay mahal na mahal ko. Sa bawat luha at pighati ko ngayon, ito ay napapalitan ng saya at ngiti sapagkat alam ko na siya ang dahilan ng lahat ng ito.
At ngayon ko lang naintindihan, at ako ay nagsimulang mangarap na sana ay ako na lang ang nasa posisyon niya, isang sitwasyon na nababalot ng misteryo ng pag-ibig

(3/30/05)

Isang taon na naman ang lumipas, taon na aking inakala na sa wakas ay nagkaroon na rin ng kabuluhan ang aking buhay, mali pala ako, wala pa rin palang nagbago sa akin. Kung ano ako dati, ganun pa rin pala ako. Parang isang ligaw na kaluluwa na di malaman kung saan lalaboy, parang isang damo na hindi malaman kung saan tutubo, at parang isang ulol na aso na hindi malaman kung sinong bata naman ang bibiktimahin. Ang daming nag-aakala na naisaayos ko na ang buhay ko, buhay na dati’y walang direksiyon, buhay na dati basta nabubuhay na lang. Oo, matatawag mo itong maayos kung ito ay ikukumpara mo sa mga taong walang ginawa buong-araw kundi tumambay at makipagtsismisan, pero kapag tinitignan ko ang sarili ko, lalo kong nakikita na hindi pa rin nagbabago si Ako.
Marami na kong nagawa na animo’y magsisilbing batayan upang masabi na ako ay naging responsable at produktib na nilalang ng mundong ito. Andiyan yung ako’y nagtrabaho, naging independent, nag-aral ulit, nagturo, tumulong, sumunod sa mga iba’t-ibang patakaran, at kung anu-ano pa. Pero bakit parang walang kabuluhan lahat. Bakit parang paulit-ulit lang ang buhay, malungkot, tapos naging masaya, tapos malungkot ulit, tapos masaya na ulit, at paulit-ulit hangang sa ang tao ay magsawa na maging malungkot at masaya at ihinto na lang ang kaniyang paghinga.
Oo, nag-aaral ako, di nga lang siguro katumbas ng dedikasyon ng iba. Pumapasok araw-araw, minsan liliban, minsan makikinig, minsan makulit, minsan tahimik, minsan nangongopya, minsan nagpapakopya, minsan interesado sa suheto, minsan nababato. Pero ano kaya mangyayari sa akin pagkatapos nito? Kaya siguro ako nangangamba at natatakot, baka kung saan na lang kasi ako pulutin pagkatapos nito. Baka matulad ako sa milyun-milyong estudyante na nakipagbunuan ng utak sa kolehiyo, sumuong sa sanga-sangang trapiko, nagpuyat at nagsunog ng kilay, para lang maging isang sertipikadong tambay.
Ano ba ang bukas na naghihintay sa akin? Magiging sino ba ako sa hinaharap? Sana parang dvd na lang ang buhay para pwede ifastforward. Para hindi ko na madaanan ang mga panahon na sa parang ang lahat ay walang kabuluhan. Para pwede ko iislomo yung mga magandang parte para mas matagal ko maranasan. At para pwede ko balikan yung mga oras na naging kuntento at masaya ako.
Hindi ko talaga alam, minsan nalilito ako, at kadalasan nagsasawa na ako mag-isip ng mag-isip ng tungkol sa naghihintay na kinabukasan. Malamang makakatapos na rin ako ng kolehiyo sa wakas, at kapag sinwerte, magkakaroon ng trabaho. Pero hanggang dun na lang ba ang dahilan bakit ako ipinanganak? Para magtrabaho, tapos makaipon, tapos tumanda, tapos madedo, tapos ibuburol at iiyakan, tapos magpapatrapik dahil sa ihahatid ako sa sementeryo, tapos bibigyan ng trabaho ang maga supulturero, at magiging pataba sa lupa.
Sana sa susunod na taon makita ko na talaga kung magiging sino ako pagdating ng panahon. Yun tipong may pinanghahawakan na akong titulo o kaya magkaroon man lang ng kaunting silbi sa buhay bukod sa pagpasok, pagyosi, at pag-inom. Sana maisakatuparan ko kung ano man ang maging pangarap ko. Sana magkaroon ng saysay lahat ng ginagawa ko ngayon. Hindi ko naman ninanais na maging sikat at kilalanin ng kung sinu-sinong award-giving bodies, ang gusto ko lang ay masabi ko sa sarili ko na sa tinagal ko sa mundong ito, nabuhay rin pala ako.

Wednesday, December 07, 2005

Pasasalamat sa Aking Guro

Kung ano ako ngayon ay utang ko sa aking guro. Ang aking guro na siyang nagtiyaga na turuan akong magbasa, magsulat, at magbilang. Guro na walang ibang hangad kundi ako ay ihanda para sa kinabukasan. Guro na siyang nagtitiyagang ipaintindi ang mga di maintindihan, ang mga bagay na aking inakala ay hindi ko kayang manamnam. Sa bawat segundo na ako ay nasa loob ng kanyang silid-aralan ay kanyang isinisiguro na makuha ko ang mga dapat na malaman. Hindi niya hinahayaang mapalampas ko ang pagkakataon na mapunan ang isip ko ng mga kaalaman, kaalaman na siya ring aking gagamitin para sa kinabukasan.
Guro ko na hindi makuhang magalit. Na kahit hindi ko nagawa ang kanyang mga itinakda ay sasalubungin pa rin niya ako ng matamis na ngiti, ngiting nagpapahiwatig na kahit ako ay may pagkukulang ay siya pa rin niya akong tatanggapin. Ngiting nagpapaalala na ang lahat ay kaya ko namang gawin basta aking nanaisin.Guro ko na gagampanan ang kanyang maharlikang tungkulin na hindi naghihintay ng kapalit. Hindi niya inaasahan na ako ay magpasalamat, ang importante lang sa kanya ay nakuha ko ang leksiyon na kanyang ipinamahagi. Guro ko na kahit minsan siya ay may karamdaman ay nagpupumilit pa ring pumasok sa paaralan, dahil siya ay nag-aalala kung sino ba ang mag-aaruga sa kanyang mga munting alaga. Guro na tumatayong ama at ina sa loob ng paaralan, na nagmamahal at nagmamalasakit kahit alam niya na ako ay makakasama lamang niya ng panandalian. Guro ko na napupuyat sa kakahanda ng kanyang mga leksiyon, napupuyat sa kakaisip kung paano niya ipapaliwanag ang mga bagay-bagay sa munti at inosente kong isipan. Guro ko na may suot ng makapal na salamin dahil lumalabo ang kanyang mga mata sa kababasa para lamang may maibahaging bagong kaalaman. Guro ko na ilang bagyo na ang sinuong, ilang baha na ang tinawid, ilang gutom na ang ipinalipas para lamang magawa ang obligasyon niya sa akin.
Guro ko na nagbukas sa aking mga mata sa katotohanan. At hindi lamang niya ipinakita sa akin ang riyalidad kundi inihanda niya rin ako para harapin ang tunay na mundo. Siya rin ang nagturo sa aking magbasa, hindi lamang ng ibong adarna, kundi pati kung paano basahin ang lipunan na aking kinabibilangan. Guro ko na gumabay sa aking kamay magsulat hindi lamang ng abakada kundi pati ng mga paksang may kabuluhan. Ipinakita niya sa akin na sa paghawak ng lapis ay hindi lamang ang mga letra ang aking kontrolado kundi pati ang aking mundo. Guro na siyang nagsabing ako man ay may kapangyarihan, na kaya kong bigyan ng pag-asa ang mga nanglulumo. Siya rin ang nagsabing kaya kong simulan ang pagbabago, pagbabagong hinahangad ko sa mga panaginip ko. Guro kong nagbigay inspirasyon at palaging nagpapa-aalala na sa darating na panahon ay ako naman ang magsisilbing pag-asa para sa iba.Guro kong nagpalakas ng aking loob, gurong nagsabing may silbi ako dito sa mundo.
Mahal kong guro, nasaan ka man, utang ko ang lahat ng ito sa iyo. Utang ko ang aking pagkamulat sa katotohanan. Ikaw ang siyang naglagay ng mga salita sa aking mga bibig, ikaw ang naglagay ng mga letra sa aking lapis. Ikaw ang nagturo sa aking mag-isip, ang lahat na laman ng aking diwa ay sa iyo nagmula. Ikaw ang siyang nagsabing, kaya ko ang mga gusto kong gawin, ikaw ang nagbigay sa akin ng tiwala sa sarili. Hindi mo lamang ako tinuruan maging estudyante, hinubog mo rin akong maging isang tunay na tao.
Kaya sa bawat segundo ng aking nalalabing buhay, hindi ko matatawaran ang lahat ng ginawa mo para sa akin. Hinding-hindi ko mababayaran ang matindi kong pagkakautang sa iyo. Salamat sa iyong pag-aaruga. Salamat sa pagiging inspirasyon. Salamat at nagkaroon ako ng guro. Salamat, ikaw ang naging guro ko.

- Raymond Hernandez Oktubre 12, 2005

Ang Burgis sa Panahon ng Diskriminasyon

Burgis ka! Ito ang isang komento sa akin na hindi ko matangap-tanggap. Bakit nga naman ako tatawaging burgis kung wala naman akong ginagawang kaburgisan? Bakit ako pagbibintangang elitista kung hindi naman ako umaasta bilang isa? Hindi naman ako nandidiri sa mga pagkaing panlansangan. Mas nanaisin kong kumain ng isaw at dugo kaysa hamburger at french fries. Lalo namang mas gusto kong kumain sa karinderya kaysa mga mamahaling restawran. Hindi rin naman ako maarte o mapili sa aking susuotin. Hindi rin naman ako mapili sa mga makasasalamuha. Hindi naman ako mayaman, at higit sa lahat, ayokong umastang mayaman.
Bakit pa kasi naimbento ni Karl Marx ang salitang ito? Bakit pa kasi nauso ito? Bakit kasi kailangan pang magkaroon ng diskriminasyon? Bakit kasi ginawa pang iba-iba ang tao? Bakit hindi na lang pantay-pantay? Bakit kasi may mayaman, bakit kasi may mahirap? Bakit kasi kailangan pa nating kutyain ang hindi natin katulad, lalo na ang mga taong lugmok sa kahirapan. Ang mga taong problemado kung saan kukunin ang panlaman-tiyan nila kinabukasan. Sila na nakuha pa nating gawing sentro ng katatawanan. Ang mga taong marahil ay wala ng panahong tumawa dahil sa patung-patong na problema sa buhay. Mga taong walang karangyaan, mga taong walang luho. Wala silang luho sa katawan hindi dahil sa gusto nilang mamuhay ng simple, kundi ito na yata ang inadya ng tadhana sa kanila, ang mamuhay ng mas simple pa sa simple. Mga tao na hindi makapag-aral, hindi dahil sa ayaw nila, kundi dahil sa nakamulatan nila na ang pag-aaral ay para lamang sa may mga pera at pagkakataon. Silang mahihirap na lalo pang pinagsasamantalahan ng mundo ng negosyo at komersyo. Silang mahihirap na ginagamit ng mga pulitiko tuwing eleksiyon upang maging instrumento ng kanilang pekeng pagmamalasakit. Silang mahihirap na inaapi na ng sistema ay nakuha pa nating maging sentro ng ating panandaliang komedya.
Ang kaburgisan sa pananaw naming magkakaibigan ay nagsisimula sa paglalagay ng dibisyon sa lipunan. Dibisyon na ang isa ay bida, ang isa naman ay kontrabida. Dibisyon na ang isa ay cool, ang isa ay baduy. Dibisyon na ang isa ay japorms at astig, ang isa naman ay jologs. Dibisyon na ang isa ay manlalait, ang isa naman ay nilalait. Dibisyon na ang karaniwang nabibiktima ay ang mga nasa aping uri.
Marahil ay hindi mo ito namamalayan sapagkat ito ay patagong namumuhay sa ating classist na lipunan. Para itong asong ulol na hindi niya alam ang salot na kanyang naidudulot. Para itong basura na kahit anong pagtago ang gawin mo ay mangangamoy. Para itong utot na nanunuot sa iyong ilong. Para itong kabuti na kung saan-saan mo makikita.
Mga simpleng panlalait na hindi natin namamalayan. Nandiyan iyong kapag pangit ang babae, sinasabi nating siya ay mukhang katulong. Kapag lalaki naman ay mukhang kargador, hardinero, karpintero at marami pang ibang trabahong blue collar. Para bang sila lang ang may kakayahang maging pangit dito sa ating mundong ginagalawan. Dahil ba sa nakaaangat tayo sa pinansyal na aspeto ay mukha na tayong mga diyos at diyosa? Kapag naman wala sa panlasa natin ang porma at pustura ng iba, sasabihin nating jologs, iskwater, iskwating o iskwakwa sila. Para bang sila lang ang pwedeng maging baduy at ang nakaaangat lang ang mga fashionista. Naisip ko nga minsan na paano kung biglaan kaya ilathala ng mga sikat na fashion magazines na ito ang mga usong porma, ano kaya gagawin ng mga kabataang fashionista?
Mayroon pa nga akong naranasan na may kasama ako na dati ay pilit kong nirerespeto ngunit lalo akong nawalan ng respeto nang bigla niyang kinutya ang mga taong nagsusuot ng mga kamiseta na pinamimigay sa mga hardware tulad ng Boysen tuwing pasko. Nainis ako dahil sa umaasta siya na kung sino, umaastang ang istandard niya ang nararapat. Hindi ba niya naisip na hindi naman siya ang bumubuhay sa kanya kaya wala siyang karapatang manlait.
Ako rin ay may personal na karanasan sa pagdidiskrimineyt ng lipunan. Naalala ko noong naghahanap ako ng instrumento at nagpunta ako sa bilihan nito. Wala man lang gustong pumansin sa akin dahil nakapambahay lang ako. Para bang may malala akong sakit dahil pilit akong iniiwasan ng mga sales rep. Sapagkat mukha akong walang pambili. Mayroon ding pagkakataon na pinilit ako ng aking ina na magpafacial sa salon sa harapan ng kanyang opisina. Kahit ayaw ko hindi lang dahil sa tinatamad ako, kundi nanghihinayang ako sa perang gagastusin na sa tingin ko ay wala namang magbabago sa aking mukha. Subalit nanaig ang aking ina kaya ako ay napilitan. Nang ako ay pumunta sa saon siyempre, ako ay nakapanmbahay dahil sino ba naman ang kailangan pang pumorma para magpakalikot ng mukha. Pagpasok ko ng gusali ay bigla akong hinarang ng guwardiya. Saan daw ako pupunta? Sabi ko, “Sa salon.” Biglaan ba namang tanong niya ay kung ano naman daw ang kailangan ko roon. Sa isip ko ay bakit kailangan ko pang mainterogeyt, dahil ba sa hindi ako nakaporma kagaya ng mga customer nila? Ang nakaporma lang ba ang pwedeng pumunta roon at magpakalikot ng mukha? Mukha bang may masama akong balak dahil sa hindi ako nakapustura? Nang sinabi kong taas noo at puno ng yabang na Peyyysssiiiyaaal ay pinaraan na niya ako na may pabaong titig ng panghihinala. Biruin mo, ganoon pala ako kaespesyal pag hindi nakaporma. Magpapakalikot lang ako ng mukha ay may libre pang interbyu. Kulang na lang ay magpatawag siya ng NBI at ipa-lie-detector test muna ako bago papasukin para malaman niya kung Facial ba talaga ang ipinunta ko roon.
Bakit kasi ang lipunan natin ay mahilig magdikta kung ano ang nararapat na istandard? Lipunan na pinipilit pakibagayan ng mga tao na siya rin namang tumatakwil sa mga ito. Lipunan na siyang pinipilit buuin na siya ring naglalagay ng walang basehang dibisyon. Lipunan na may dalawang uri ng tao, ang mga nanlalait at ang mga nilalait. Lipunan na punong-puno ng diskriminasiyon. Lipunan ng mga Burgis.