Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Thursday, December 15, 2005

Realisasyon


Nag-iisa ako sa aking silid. Pabali-baligtad sa aking kama. Hindi makatulog. Kanina pa takbo nang takbo ang aking isip. Nababalisa ako sa nangyari. Hindi ko akalain na magagawa ko. Hindi ko akalain na sisirain ko. Hindi ko akalain na ganoon din pala ako. Nagsisisi ako pero huli na ang lahat. Ano ba ang nararapat kong gawin? Sabi nila, matalino raw ako, pero nasaan ang talino ko sa mga oras na iyon? Sabi nila ideyalistik daw ako, maprinsipyo, may hangarin na magkaroon ng pagbabago sa sistemang kinapapalooban ko, pero ngayon wasak na ang sariling prinsipyo. Ang pinakatatanging kayamanan ko sa mundo ay bulok din pala. Hindi ko nakayanan ang pangangailangan. Hindi ko naigpawan ang sistema. Hindi ko nagapi ang sarili.
Nagsimula ang lahat noong gitnang-sulit namin sa isang medyo mahirap na sabjek. Sobrang handa ako. Anim na kabanata ng aming aklat ang aking nabasa. Hindi ko man ito ganoon kabisado, alam kong marami akong maisasagot. Isa pa, paborito ko ang asignatura kaya siguradong mataas ang marka ko. Kung pagbabasehan kasi ang mga nakaraan kong kurso na nakuha sa linyang ito, panay kwatro ang aking grado. Kaya mataas ang tingin sa akin ng aking mga kabarkada, nabansagan pang Totoy Bibbo sapagkat kabisado ko ang pasikot-pasikot nitong sabjek. Madami akong sagot, punong-puno ang papel ko at sigurado akong panay tama ang mga iyon. Kung may mali man, iilan lang. Sa kalagitnaan ng pagsusulit, narinig ko ang mga bulong. Tinatawag ako. Paglingon ko ay tumambad sa akin ang isang malaking hamon, walang sagot ang aking mga mahal na kaibigan. Kitang-kita ko ang kanilang pagkabalisa. Medyo natataranta sapagkat walang laman ang kanilang mga papel. Siguradong babagsak sila at mahihirapan nang makabawi. Napagtanto ko na nasa akin ang solusyon sa mga panahong ito. Ako ang sagot sa kanilang mga problema. Ako ang kristo nila sa mga oras na ito. Ang tanong lang ay kung handa ba akong maging isa. Dala ng awa at pakikisama, ginawa ko. "Nagpakadakila" ako. Nagpamudmod ako ng sagot. Alam kong bawal ang aking ginagawa pero ito ang naiisip kong tanging solusyon sa problema ng mga ‘naghihikahos’ kong kaibigan. Pakiramdam ko ay nakatulong ako at siguradong bayani ako sa mata ng aking mga kaibigan. Alam ko na nahahalata ng aming propesor. Hindi siya tanga, bulag at bingi para hindi mahalata ang mga nangyayari. Alam ko sa loob ko na alam niya. Kita ko sa kanyang mga mata sa tuwing magtatagpo ang aming paningin na nakikita niya kung ano ang aking ginagawa. Pero tuloy pa rin ako dahil pakiramdam ko na hindi naman ganoon kasama ang aking ginagawa. Hindi naman ako nangongopya, nagpapakopya lang. At lahat naman halos ay ganun din ang ginagawa. Sumasabay lang ako sa uso. Nagpapaanod lang ako sa sistema. Sinusunod ko lang ang tawag ng panahon.
Pagkatapos ng pagsusulit ay abot-langit ang kanilang pasasalamat. Sabi ko walang anuman iyon. Marunong naman akong makisama. Alam ko na may kahirapan ang sabjek kaya tumulong na rin ako. Laking pasalamat nila sa akin at unti-unti nilang kinikritik ang mga kamag-aral naming malakas mangopya pero madamot magbigay ng sagot. Ako naman ay pinupuri nila sapagkat ang bait ko daw. Hulog daw ako ng langit. Ako naman ay natutuwa sapagkat alam ko na nakatulong ako sa mga nangangailangan. Alam ko na dahil sa akin ay nagbago kahit kakaunti ang kanilang tadhana. Alam ko na ako ang bayani nila ngayon. Nagampanan ko ang pagiging kristo sa kanila.
Ngunit pagkauwi ko ay paulit-ulit kong naaalala ang mga pangyayari. Tila ito isang bangungot na ayaw ko nang magising. Parang dahan-dahang bumabagal ang aking mundo. Kahit anong gawin ko ay para itong linta na ayaw kumawala sa aking memorya. Sinubukan kong lunurin ng alak ang aking memorya upang maibsan ang pagkatuliro at pagkalungkot. Alam kong nagkamali ako. At sa isang iglap ay nagbalik ang alaala ng aking mga sinabi noon. Naging kritiko kasi ako ng ganitong kultura. Ayaw ko ng pangongopya pero ginusto ako nito. Tahasan kong sinabi at sinulat dati ang aking pananaw patungkol dito. Ikinasusuklam ko ito. Nakakatawa ang aking nasulat noon pero iyon ay naglalaman ng aking pinakaiingatang prinsipyo, ang pagkontra sa anumang uri ng dayaan, partikular, sa mundo ng akademya. Taas-noo ko itong ipinanindigan noon sapagkat alam ko na wala silang maibabatong masamang tinapay sa akin. Gusto ko kasi ng mundong matapat. Gusto ko kasi ng pagbabago. Alam ko kasi na ang ugat ng katiwalian sa ating bansa ay hindi sa pamahalaan kundi sa paaralan. Kaya sa maliit na kapangyarihan ng pagsusulat ko ipinahiwatig ang aking advocacy, ang labanan ang ano mang uri ng dayaan sa aming institusyon. Pinanghahawakan ko ang pangakong darating ang panahon na mayroong makikinig sa aking tinig. Kaya nga lang ay ako pala ay bingi rin sa aking sariling sigaw. Ako mismo ang hindi nakakita ng aking isinulat. Ako mismo ang sumira sa aking pinanghahawakan. Hindi pala ang sistema ang aking kalaban kundi ang aking sarili. Naalala ko ang mga taong pumuri sa aking mga naisulat noon. Nasira ko ang kanilang pagtitiwala. Kapag nalaman nila ito ay tiyak na ang respeto nila sa akin ay mawawala. Ako nga ay nawalan ng respeto sa sarili, sila pa kaya. Napatunayan ko na ako pala ay hanggang tinta lang. Nawala sa akin ang kapangyarihan ng pagsusulat. Hindi ako makasulat sapagkat sinasabi ng aking kalooban na hindi naman totoo ang aking mga isinusulat. Nagsusulat lang ako para may mapaglibangan ang iba. Walang nilalaman ang aking mga katha sapagkat wala itong kaluluwa. Wala itong buhay sapagkat akin itong pinatay. Adhikain kong mapalaya ang iba pero ako ay hindi pa pala. Nakakulong pa rin ako sa sistemang aking kinasusuklaman. Isa rin pala ako sa aking kinaiinisan.
Mula rito ay napagtanto ko na kailangan kong gumawa ng aksyon bago ako tuluyang kainin ng sistema. Kailangan kong matuto ng leksyon. Kailangan ay matandaan ko ang pagkakataong ito upang hindi na maulit. Alam ko na kailangan kong itama ito. Pero paano nga ba itama ang mali? Kailangan akong maparusahan sa anumang paraan para manumbalik ang lakas ng aking tinta. Kailangan kong magdusa para magkaroon ng katotohanan ang aking mga naisulat. Kailangan ko ng pagbabago para maibalik sa akin ang aking sariling prinsipyo. Isa lang ang naisip kong solusyon. Tinext ko ang aking propesor. Inamin ko ang aking pagkakamali at hiniling ko na ibagsak niya ako sa pagsusulit. Alam ko na mataas ang marka ko roon. Alam ko na 3.5 ang pinakamababang grado na makukuha ko kung hindi ako zero sa pagsusulit pero ito ang nararapat kong gawin, ang magpakatotoo. Puno ng luha ang aking mga mata hindi dahil sa babagsak ako sa sabjek kundi dahil sa kahihiyan. Nahihiya ako sa aking propesor, nahihiya ako sa aking mga kamag-aral, nahihiya ako sa mga nagtiwala, at nahihiya ako sa aking sarili.
Pagkagising ko ng umaga ay tiningnan ko agad ang aking telepono. May mensahe galing sa aking propesor. Sinabi niyang ikinatutuwa niya ang aking pagiging matapat. Lagi ko daw tatandaan na pwedeng mapasaakin ang lahat ng yaman ng mundo, pero oras na mawala ang integridad ko, balewala ang lahat ng ito. Ngayon ko lang naintindihan ang katagang ito. Naturuan ako ng leksyon na hindi napupulot sa mga libro, na hindi kayang ipaliwanag ng mga guro, na hindi mapapatunayan na naintindihan mo kahit may grado kang 4.0. Naturuan ako ng leksyon na nakukuha lamang sa karanasan, ang aral na tanging sarili lamang ang makapagtuturo.
Noong ibinigay niya ang midterm grade ay alam kong hindi na ako kwatro kagaya ng dati. Sa katunayan ay 1.5 lang ang grade ko. Subalit sobrang tuwa ko sapagkat alam ko na may natutuhan akong hindi kayang sukatin ng grado. Alam ko na ako mismo ay buhay na ehemplo ng aking mga isinusulat. Alam ko na ang pagbabago ay nagsimula na sa akin. Sana ay makita rin ito ng iba. Sana ay magkaroon ng rebolusyong kultural tungo sa pagbabago ng aking pinakamamahal na institusyon. Ang simula ng katapatan sa lahat ng sektor ng lipunan. Ang tuluyang pagkawala ng sistema ng pandaraya at ang pag-usbong ng mga mag-aaral na ang hinahanap ay ang tunay na karunungan, hindi ang gradong 4.0.
(Lumabas sa "Pluma:Jornal sa Filipino ng mga Lasalyano Tomo 1 Blg. 1")

0 Comments:

Post a Comment

<< Home