Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Thursday, December 15, 2005

Timbao

Ako ay handang-handa. Ako ay nasasabik, nasasabik akong pumunta sa Mababang Paaralan ng Timbao upang magsilbing boluntir na guro sa mga bata. Bukod sa dalawang oras na mababawas sa 60 oras na kailangan ko para sa National Service Training Program (NSTP), masaya ako na may maiaambag ako sa komunidad ng Timbao kahit sa maliit lang na paraan. Isa pa, mahilig akong magturo lalung-lalo na sa mga bata.
Ngunit hindi pala ako ganoon kahanda. Handa ako sa mga materyales na aking gagamitin at kending aking ipamimigay sa mga bata. Handa akong ialay ang aking lakas at oras upang mapasaya at malibang ang mga bata. Ngunit hindi pala handa ang aking puso’t isipan sa katotohanang sasambulat sa akin. Isang katotohanang nakikita ko lamang sa telebisyon, nababasa sa mga peryodiko at naririnig sa radyo. Mababakas sa mga bata ang anyo ng kahirapan. Mula sa kanilang pananamit at mga gamit hanggang sa kanilang maliit na silid-aralan. Ako rin ay lumaki sa pampublikong paaralan pero hindi ganito ang aking naranasan. Ang kanilang silid ay madilim at tila malungkot ang paligid sanhi ng bungi-bunging jalousie na hindi nila mabuksan upang malayang pumasok ang liwanag. Damang-dama ko ang init dahil sa mahinang ikot ng lumang bentilador. Ang kanilang munting pisara ay nakapatong lamang sa silya. Maingay sa loob ng silid-aralan na aming kinalalagyan sapagkat hindi abot hanggang kisame ang dibisyon kaya naririnig ang ingay ng kabilang klase. Sa aking palagay, ang kanilang silid ay hindi akma para maging lugar na pagmumulan ng kaalaman at karunungan dahil ito’y mainit, madilim at kulang sa kagamitan.
Nang inilabas nila ang kanilang mga lapis ay lalo akong nanghina. Sa liit ng kanilang mga lapis, halos dalawang pulgada lang ang haba, ay miski yata ang kamay ng sanggol ay hindi ito magawang hawakan. Ngunit sa kabila nito, sila ay nakangiting nagsusulat. Ganadong-ganado kahit hirap na hirap. Sulat nang sulat kahit walang panulat. Marahil ay wala silang pambili kaya sinusulit nila ang lapis hanggang maubos ang lead nito. Naalala ko tuloy ang perang aking sinasayang sa halos araw-araw na pagbili ng bolpen. Mapalad ako kasi palagi akong may pambili. Mapalad ako kasi sobra-sobra ang baon ko.
Pagkatapos ng klase ay namigay ako ng mga lapis at kendi at nagpaalam. Hindi maalis sa aking isipan ang kanilang mga ngiti, mga ngiti na akala mo ay binigyan ko sila ng mamahaling laruan. Mga ngiti na wari mo ay bigla silang yumaman. Ipinagmalaki nila sa kanilang mga sundo ang lapis na bigay ni “Kuya.” Lapis na nanggaling sa aking mga barya na wari mo’y isang milyong piso para sa kanila. At ang mga ngiting iyon ang aking baon sa pag-uwi. Mga ngiting hinihimok ako na bumalik. Mga ngiting nagpabago sa akin. Nga ngiting nag-udyok sa aking sumagot sa hamon, ang tumulong at magsilbi.
Totoo nga ang sabi sa akin ng isa kong propesora. Ang kahirapan ay hindi maiintindihan hangga’t hindi nararanasan. At ngayon ay hindi ko lamang naranasan kundi nakadaupang-palad pa. Karanasang tumalab sa puso at nagpabaon ng ngiti. Mga ngiting nagturo sa akin na matuto naman akong makuntento. Mga ngiting nag-iwan sa aking puso ng aral na hindi ko makukuha sa apat na sulok ng air-conditioned kong klasrum sa La Salle.
Simula noo’y, paulit-ulit na akong bumalik sa Timbao. Bumalik ako hindi upang makumpleto ang oras na kailangan para sa NSTP o matuwa ako at masiyahan sa mga natutunan ko kundi para magsilbi sa mga bata na dapat ay aking tuturuan na siya namang nagturo sa akin na sumagot sa tawag ng lipunan. At kahit matapos ko ang aking NSTP ay patuloy pa rin akong magboboluntir bilang pasasalamat sa ginawa nilang pagmulat sa aking isipan. At sana ay marami pa silang mamulat at maturuang katulad ko. Ang matutong makuntento, magmalasakit at tumugon sa hamon ng naghihikahos nating lipunan.


(Lumabas sa "Pluma:Jornal sa Filipino ng mga Lasalyano Tomo 1 Blg. 1")

0 Comments:

Post a Comment

<< Home