Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Tuesday, March 28, 2006

Katiwalian

Ang lahat ay ayaw ng katiwalian. Kaya daw may kahirapan sa ating bansa ay dahil sa katiwalian sa pamahalaan. Kaya daw hindi umaangat ang ating ekonomiya dahil sa laganap na korupsyon. Kaya baon sa utang ang Pilipinas ay dahil sa patuloy na badyet deficit kada taon. Kailangan mangutang kasi kulang daw sa pondo. Ang mga pondo na dapat ay napupunta sa debelopment ng ating bansa ay nauuwi sa bulsa ng kung sino-sino. Kaya marami ang nagsasabi na ang tanging solusyon upang tayo ay makaalpas sa kasalukuyang estado ng ating ekonomiya ay ang pagsupil sa korupsyon. Pero ano ba ang ugat ng ganitong klaseng problema? Saan ba ito nagmumula? Paano ba ito nangyayari? Sino ba ang sangkot dito?

Ako ay isang mag-aaral. Punong-puno ng ideyolohiya. Sobrang lakas ng prinsipyo. Ang pinakapaborito kong pag-usapan ay ang pagpuna sa pamahalaan. Basta nasimulan na ang diskusyon tungkol sa pamahalaan, lagi ko itong naiuugnay sa katiwalian. Tuloy-tuloy ang pagsasalita, parang miting de avance. Punong-puno ng dunong na nakuha ko sa loob ng klase. Buong tapang kong kinagagalitan ang mga namumuno. Buong tapang kong binubunyag ang bulok na sistema. Kaya nga lang, kapag may pagsusulit, ang lakas ko mangopya. Kailangan kasi. Hindi ko kasi kayang tanggapin ang katotohanan na hindi naman talaga ako marunong, madaldal lang. Mahilig magsalita, mahilig mamuna, mahilig magkunwari. Wala namang nakakaalam na ako ay mandaraya rin kaya tuloy lang ako sa pagpuna ng pandaraya ng iba.

Ako ay isang drayber. Buong araw nagmamaneho sa kalsada upang may kitain naman. Kaya’t panay ang welga namin para ipaglaban ang karapatan naming kumita naman ng mas mataas. Tuloy-tuloy ang pagtaas ng gasolina pero ang pamasahe madalang pa sa bulalakaw kung tumaas. Kaya nga sa inuman namin nila kumpare ay panay ang pagpuna namin sa pamahalaan. Lagi naming sinisisi ang pamahalaan kung bakit kami naghihirap. Lagi naming iniugat ang aming kahirapan sa korupsyon. Mas mataas sana kikitain namin kung walang nanghuhuli. Matigas kasi ang buto ng mga buwaya. Mga walang puso. Kasalanan ko bang pumara bigla yung pasahero kaya ako nagbaba sa “no unloading”? At noong isang araw, kaya lang naman ako nagbeating the red light eh ang trapik kasi. Sayang din yung mga pasahero. Baka maunahan ako. Buti na lang may pang lagay ako. At kung ayaw naman tumanggap ng lagay, dun naman nagtatrabaho si kumpare sa LTO. Kayang kaya niyang maglabas-masok dun kahit di siya empleyado dahil may pabaon naman akong ube o kaya ninoy. Kayang kaya niya iyon lakarin. Wala pang diyes minutos makukuha ko na. Noong nagpa-renew nga ako ng lisensya, tinulungan niya ako. May kaunting pampadulas lang, pero sa kabilang banda, ayos lang ‘yun dahil makakabyahe na ako kaagad.

Ako ay isang abogado. Taga-intindi ng batas. Kami rin ang nagbibigay-kahulugan rito. Kabisadong-kabisado ko ito mula sa konsti hanggang sa kung anu-anong Code. Kaya nga lang batas lang ang alam ko, hindi ang hustisya. Kaya kong bigyan ng hustisya ang lahat, kahit mali pa sila basta may pambayad sila. Naalala ko noong nag-aaral pa ako ng abogasya, nag-aaral ako ng mabuti para maging magaling ako na abogado ng sa gayon ay maging tagapagtaguyod ako ng hustisya. Tagpagtanggol ng tama. Bayani ng mga naaapi. Galit din ako sa korupsyon. Ikinasusuklam ko iyon, noon. Kaya nga lang, medyo malaki rin nagastos ko kaya babawiin ko muna bago ako maglingkod sa bayan. Ang importante lang ngayon ay hindi ang tama kundi ang may pambayad. Makakain ko ba naman ang hustisya? Kaya ko ba ipambili ang hustisya ng magagarang kotse at bahay? Kaya ba ipambuhay ng pamilya ang konsensiya? Ang konsensiya, kayang palipasin yan pero ang gutom, hindi pwede. Isa pa, ang konsensiya ay hindi makabibili ng hustisya. Ang pera, oo. Palagi. Di bale, balang araw magsisilbi ako sa bayan. Lalabanan ko ang korupsyon kapag may 50 milyong piso na ako sa bangko.

Ako ay isang guro. Nagtuturo ako sa kolehiyo. Naglilitanya ako palagi tungkol sa politika. Galit na galit ako sa mga nangungurakot. Gumawa nga ako ng pag-aaral kung magkano ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa korupsyon. Pilit ko iyon sinisiksik sa kukorte ng mga estudyante ko. Ipinapamulat ko sa kanila ang masaklap na katotohanan sa labas ng paaralan. Tinuro ko nga sa kanila ang pamamaraan kung paano sukatin ang korupsyon para kaya rin nila gumawa ng ebalwasyon. Nagpa-exam ako ng araw. Marami namang mataas kaya nga lang nadismaya. Nahuli ko kasi iyong paborito kong estudyante, iyong nagkukwento kanina, na nangongopya. Dapat bagsak na siya. Pasalamat siya paborito ko siya. Ipapasa ko na lang siya. Hindi ko na lang sasabihin kanina. Mabait naman siya at ngayon ko lang siya nahuli mangopya. Isa pa, anak kasi ni dean iyon kaya baka maudlot ang napipintong promosyon ko kapag ibinagsak ko ang anak niya. Bawi na lang ako sa iba. Kapag may nahuli na lang ako na estudyanteng hindi ko paborito.

Ako ay isang negosyante. Mahirap lang kami dati pero ito, sinwerte, yumaman. Dati kaming nakatira sa Balut, ngayon sa Alabang na. Baka isipin mo na iligal iyong negosyo ko. Hindi ah. Maayos iyon. Maabilidad lang ako. Nagsimula ako ng maliit, tapos lumaki ng lumaki kaya ngayon milyun-milyon na ang pera at ari-arian ko. May talento kasi ako sa pagnenegosyo. Nakatulong din iyong mga napag-aralan ko noon sa unibersidad ng mga iskolar. Namulat ako sa kahirapan kaya pinilit kong tuklasin ang solusyon dito. Hindi lang ako naging masipag na mag-aaral noon, nakipartisipa rin ako sa mga isyung panlipunan. Galit na galit ako sa pamahalaan, galit kasi ako sa korupsyon. Isa ako dun sa mga binubumbero noon sa mendiola at intramuros. Kung saan-saan ako nakarating dahil sa pakikibaka. Noong nakatapos na ako, doon lang ako tumigil. Nagnegosyo, kaya ito mayaman na. Kahit hindi na ako nakikibaka, alam ko pa din na aktibo pa rin ang problema, ang korupsyon. Hindi lingid sa kaalaman ko ang mga ginagawa sa loob. Sa katunayan, iyon ang nagpayaman sa akin. May kakilala kasi ako na palaging nagbibigay ng proyekto sa akin. Ako lagi ang nananalo sa mga bidding. Ako lagi kinukuha niya hindi lang dahil sa magaling ang kumpanya namin kundi dahil sa magaling din ako magduktor ng resibo. Hindi ako kurakot ah. Wala naman ako natatanggap, sa kanilang lahat iyon. Nagdudoktor lang ako ng resibo. Kaya nga hindi rin ako nagbabayad ng tamang buwis kasi alam ko naman na kung kani-kanino lang iyon napupunta. Kaya ito dalawa ang libro namin sa negosyo, isang para sa akin at isa para sa BIR. Buti na lang magaling na accountant ang anak ko. Saka na lang ako magbabayad ng tama kapag wala ng korupsyon sa pamahalaan.

Ako naman si Meyor. Matagal na ako dito sa posisyon. Palagi kasi akong nananalo sa eleksyon. Bukod kasi sa mga nagagawa ko, magaling iyong mga taga-kampanya ko. Dapat lang na manalo ako dahil malaki ang nagagastos ko sa kampanya. At marami rin naman akong napagawa dito sa aming bayan. Andiyan yung ipinagawa kong munisipyo na P200M. Iyong simpleng basketbolan sa may purok 1 na mga P15M din ang nagastos ko. Iyong mga dinonate ko na ambulansiya kada barangay, P10M ang isa nun kasi magandang klase. Lagi ko rin ipinapaaspalto ulit iyong hi-way para wala masyadong lubak. Mga P1M kada buwan iyon. Marami rin akong mga iskolar, mga 100 iyon kaya mga P200M ang badyet ko para roon. Pero kahit nagsisilbi ako sa bayan, tinitira pa rin ako ng mga taumbayan. Nawawala kasi iyong pondo ng siyudad. Hindi ba nila nakikita ang aking mga ginagawa. Sa proyekto naman lahat napupunta yung pera ng bayan eh. Mahal lang, kasi perfectionist ako. Gusto ko iyong magandang klase, iyong mahal. Nakatipid na nga kami dun kasi si kumpare ang kontratista ko. Siguro mga kalaban ko lang sa politika ang may pakana nung mga ganoong isyu. Gusto kasing maagaw iyong pwesto ko, mangungurakot kasi. Naiinis lang ako doon sa mga nagwewelga laban sa akin, mga walang utang na loob. Ipinaayos mo na nga iyong kalsada, binigyan mo na ng ambulansya at basketbolan tapos ginawa mo pang iskolar iyong mga anak, tapos sasabihin kurakot ka. Nakakainis, mga walang utang na loob.

Ako naman ay isang sanggol. Kapapanganak ko lang noong isang araw. Naaatat na nga akong lumaki para maranasan ko na kung paano mabuhay. Kaya nga lang ibinalita sa akin noong isang beybi na pangit daw lumaki. Narinig niya sa erpat niya na mahirap daw mabuhay kasi mahirap magkapera. Laganap daw kasi ang lamangan, dayaan at katiwalian. Kung gusto ko daw mabuhay, kailangan matuto akong makisama. Kailangan matuto ako mandaya para magtagumpay ako. Kailangan ko daw lumangoy kasama ang mga buwaya. Kailangan ko daw magpaanod sa agos kundi sigurado malulunod ako. Natakot ako. Nagngangawa. Iyak ako ng iyak para matawag ko ang atensiyon ni nanay. Gusto kong sabihin sa kanya ang aking nalaman, kaya nga lang pagdating niya hindi niya na ako pinagsalita, pinasakan niya kaagad ng tsupon ang bibig ko. Akala niya ay nagugutom lang ako. Siguro ay ayaw marinig ni nanay ang mga sasabihin ko. Siguro, hindi niya matanggap na ang kanyang pinakamamahal na sanggol ay magiging instrumento ng katiwalian pagdating ng panahon. Pilit niya akong pinapatahimik at ginagawang inosente. Sana lang ay hindi ako maging ganoon pagdating ng panahon. Sana ay hindi ako ang katiwalian.

2 Comments:

  • ninja Dijkstra fought OJ jangly Niobe Iosep.

    By Anonymous Anonymous, at 10:05 PM  

  • ninja Dijkstra fought OJ jangly Niobe Iosep.

    By Anonymous Anonymous, at 10:05 PM  

Post a Comment

<< Home