Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Tuesday, March 28, 2006

Para Saan Ba Talaga?

Para saan ba itong ginagawa kong pagpasok sa aking paaralan? Bakit ba talaga ako naririto? Bakit kailangan ko pumunta rito kahit ako ay tinatamad at tila nag-aaksaya lamang ng oras? May magandang basehan ba kung bakit kailangan kong gumising tuwing umaga, maghanda ng susuotin, bumiyahe, magbasa, magsulat, makinig, tumulala habang hinihintay ang susunod na klase, gumawa ng proyekto, magriserts para sa aking takdang-aralin, matulog nang maaga at gumising ulit kahit na sinasabi ng katawan kong gusto pa niyang matulog para lang ulitin na naman ang isang araw na sa tingin ko na tatagal pa ng apat na taon?
Sabi nga ng isa sa aking mga kaibigan na mas mabuti na ito kaysa sa bahay ako maglagi, tumambay, manood ng telebisyon, bilangin ang mga butiki na dadaan sa aking kisame at makipagbolahan kay manang. Tama siya pero iyon lang ba talaga ang dahilan kung bakit ako naririto, dahil lang ba sa ayaw ko maglagi sa aming tahanan? Sana hindi.
Sabi naman ng iba, masaya raw kasing maging estudyante. Masaya kasing may pinagkakaabalahan ka. Abala ka sa pagtambay at pagbobolahan ninyong magkaklase. Abala ka sa pagsulyap sa magagandang dilag na tila sa pangarap mo lang pwedeng makamtan. Abala ka sa panliligaw. Abala ka sa pakikipagdiyalogo sa iyong mga kaklase tungkol sa magagarang kotse, damit at kung ano-ano pa na di naman konektado sa pag-aaral. Abala ka sa paggasta ng iyong baon. Abala kang pumasok sa loob ng silid-aralan para hindi makinig. Abala ka sa maraming bagay. Oo masarap talagang pumasok kapag ganito lang ang gagawin mo pero kapag dumating na ang panahon na kailangan mo nang magpasa ng mga proyekto na di mo malaman kung ano ba ang kabuluhan sa iyo, nakakainis maging estudyante. Lalo na kapag panahon na ng pagsusulit, nakababagot mag-aral nang mag-aral para lang sa isang pagsusulit na hindi mo naman ikamamatay kung ikaw ay lalagpak.
Ang iba naman ay dahil lang nais ng kanilang magulang na sila ay makatapos sa pag-aaral. Handa silang makipagbunuan ng isip, magpagod, magpuyat, pumasok araw-araw dahil sa ito ang gusto ng kanilang magulang. Mas gusto na nilang isakripisyo ang sariling kaligayahan kaysa nga naman mapagalitan. Napakabuting anak.
Ang iba naman ay dahil lamang gustong ipakita na sila ay sadyang matatalino. Na kahit anong ituro ay maaalala nila. Na kahit anong pagsusulit ay kaya nila. Na kahit nakatatamad ang lektyur ng guro ay handa silang makinig. Na kahit na umulan ng apoy ay papasok pa rin sila para lang makakuha ng mataas na marka na nagpapatunay ng kanilang “dedikasyon.”
Ang iba naman ay dahil sa gusto nilang maabot ang kanilang minimithing pangarap. Nag-aaral sila dahil sa mayroon daw na magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila. Dahil kapag nag-aral daw ay makakuha ng magandang trabaho na may mataas na sahod na makapagbibigay sa iyo ng oportunidad na mabili ang ninanais mo para sa isang kumportableng buhay.
Para saan ba bakit ako nag-aaral? Dahil ba sa ito ang gusto ng aking magulang? Dahil masaya ako sa piling ng aking mga kaibigan? Dahil masarap makipagbolahan araw-araw? Dahil ba sa aking nililigawan? Dahil ba sayang din ang baon? Dahil ba gusto kong ipamalas na ako ay mayroon ding kaunting katalinuhan? Dahil ba sa aking mga pangarap? Para saan ba talaga?
Sana magkaroon ng pag-aaral kung bakit kailangan mag-aral ng mga mag-aaral upang mapag-aralan ng mga mag-aaral ang tunay na aral sa likod ng pag-aaral sa loob ng paaralan.

0 Comments:

Post a Comment

Links to this post:

Create a Link

<< Home