Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Tuesday, March 28, 2006

Pera

Ang pera ay pinakamakapangyarihang bagay sa ating makabagong panahon. Ito ang puno’t dulo ng halos lahat ng bagay ngayon. Ito ang dahilan kung bakit kailangan mag-aral, kung bakit kailangan magtrabaho, kung bakit kailangan magsipag, kung bakit kailangan gumawa ng mga bagay na tayo ay napipilitan lamang, kung bakit tayo nagpapaalila sa sistema na kinasusuklaman natin, kung bakit may nangungurakot, kung bakit may maraming gustong pumasok sa politika, kung bakit may giyera, kung bakit may mga manloloko, kung bakit nauso ang mga pyramiding scam, kung bakit may mga magnanakaw, at marami pang iba. Marahil sasabihin mo na sadyang walang katotohanan ang aking sinasabi na hindi naman talaga pera nagtutulak sa isang tao upang kumilos, pero sa realidad ay parang pera lang naman talaga ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Parang ginawa ang tao para may makaimbento ng pera, para may magtrabaho para dito, at para may gumastos nito. Sa kasalukuyang panahon, ang tao ay binubuhay ng pera at siya ay binubuhay nito.

Naalala ko pa noong bata pa ako, naitanong ko sa aking sarili kung bakit ba kailangan ko talagang mag-aral. Paano kasi halos lahat ng tao na nasa paligid ko ay hinahabilinan ako na mag-aral ng mabuti ng sa gayon ay ako raw ay makakuha ng matataas na marka na maghahatid sa akin sa tugatog ng tagumpay. Ang tagumpay na magkaroon ng magandang trabaho at mataas na sweldo. Sa maikling salita, magkaroon ng maraming pera. Minsan nga nakakainis na ang paulit-ulit na paalala ng aking mga magulang na kung hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral, ako daw ay maghihirap. Tanggap ko naman na sa panahon ngayon ay kailangan natin ng pera upang mabuhay. Kaya nga ako ay nag-aaral dahil sa habilin ng aking magulang na kailangan kong mag-aral para magkapera. Ngunit, pera lang ba talaga ang dahilan? Biruin mo, halos ikatlong bahagi ng iyong buhay ay iuukol mo sa pag-aaral para sa mga natitirang taon mo ay magkaroon ka ng kapasidad na magkaroon ng pera.

Ang lahat ng tao ay nangangarap ng magkaroon ng maraming pera, pera na siyang dahilan ng kasakiman. Pera na siyang dahilan kung bakit may mga isnatser, swindler, iligal rekruter, holdaper, kidnaper, at kung anu-ano pang masamang propesyon na nagtatapos sa “er.” Pera na siyang laging pinoproblema ng mga magulang. Pera na siyang laging pinoproblema ng gobyerno. Pera na siyang dahilan ng inggit. Pera na siyang dahilan ng diskriminasyon. Pera na siyang sumisira sa mga magigiting at maprinsipyong tao.

Pera, pera, pera! Pera na siyang puno’t dulo ng lahat. Pera na makapangyarihan na kayang lamunin ang isang taong marangal. Pera na makapangyarihan, na kayang bumili ng hustisya, na kayang bumili ng bisyo, na kayang bumili ng mga pribilehiyo. Pera na pati ang inosenteng komunidad ng akademya ay kayang lamunin. Hindi lingid sa ating kaalaman na may mga pagkakataon na pera ang dahilan kung bakit may pumapasa, kung bakit may matataas na grado, kung bakit may mga nae-exempt sa pagsusulit.

Hindi ko naman sinasabi na ayoko ng pera o hindi ko siya kailangan. Aminado akong nakapaloob ako sa sistema ng pera na kailangang ikonsumo. Sana lang ay hindi ako nabubuhay para lang sa pera. Pero kung ito lang ang dahilan kung bakit ako naririto, sana naging pera na lang ako.

Kung pera lang talaga ang dahilan na ako narito sa mundo, sana naging halaman na lamang ako para di ko kailangan ng pera. Higit na mainam siguro na nabuhay na lang ako upang magbigay ng oxygen na esensyal para mabuhay ang ibang nilalang kaysa maging isang pinakamatalinong nilalang na ang silbi lamang ay magkaroon at gumastos ng pera.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home