Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Wednesday, October 25, 2006

Ang Aking Unang Adidas

Malamig ang simoy ng hangin. Damang-dama sa paligid na parating na ang pinakahihintay ng lahat. Ang lahat ay abala sa pagsasabit ng mga kumukutitap na ilaw, mga dekorasyong nagsasabing dapat ay maging masaya ang lahat. Masaya ako noon. Palibhasa ay hindi ko naiintindihan. Dala ng aking kamusmusan, hindi ko nakikita ang salimuot na dala nito. Dala ng aking murang kaisipan, hindi ko namamalayan na sa likod ng aking mga ngiti ay naroon ang lungkot at pangamba sa aking mga magulang. Habang ang lahat ay abala sa pamimili, sila ay abala kung saan kami maaaring kumuha ng pera para naman maging masaya kami sa araw na iyon.
Ang lahat ay may bagong kagamitan. Naroon ang mga magagarang damit na hinihintay na lamang ang araw ng Pasko upang sila ay maisuot na. Nasa loob na ng mga kahong nakabalot sa magagarang papel ang mga laruan. Ilang araw na lamang at tiyak na maisasantabi na ang mga nasirang pambalot dahil mas mahalaga naman ang mga nakapaloob dito. Nasa mga ref na ang kilo-kilong hamon, keso de bola; galon-galong buko salad at kahon-kahong halaya at leche flan. Hindi ko lang alam na kami pala ay hindi pinalad na magkaroon ng mga bagay na siyang magbibigay-kulay sa pinakahihintay na araw.
Masakit iyon para sa aking mga magulang. Wala kasi silang magawa, mahirap lang kasi kami. Gustuhin man nilang ibigay ang lahat ng aking naisin, wala silang kapasidad gawin iyon. Gusto ko man ng mga bagong laruan, kailangan ko na lamang pagtiyagaan ang mga sira-sira kong kotse-kotsehan. Gusto ko man ng masarap na noche buena, limitado lang ang kayang ihain sa aming munting mesa. Bagay man sa akin ang magagarang damit, baka kailangan ko na lang pagtiyagaan ang mga pinaglumaan. Mahirap kasi kami. Ang Pasko ay para sa mga pinalad, para sa mga may pera.
Ilang araw na lang at darating na ang kapaskuhan. Dahil sa kakapusan wala pa rin akong magarang damit. Dalawang taon pa lamang ako noon at sa mga edad na ganoon ay kinakailangan na mayroon akong bagong kagamitan. Kailangan kasi na bago ang aking damit kapag bumisita kami sa aming mga kaanak upang hindi naman daw ako magmukhang kaawa-awa. Kahit ako na lamang ang makaporma, para naman daw ako magmukhang mayaman. Iyon ang mga pangamba ng aking mga magulang.
Inalok ng aking ama ang isang tiyahin na pintahan ang buong bahay niya. Sobrang wala na kasi siyang magawa. Wala siyang mahanapan nang ipambibili para sa aking mga kagamitan. Kung may isip lang ako noong mga panahon na iyon, tiyak ay pipigilan ko siya. Bakit nga naman kailangan pa naming magkunwari na mayroon? Ang Pasko ba ay para lamang sa mga bagong kagamitan?
Buong tiyagang pinintahan ng aking ama ang buong bahay ng aking tiya. Mag-isa lang niya iyon ginawa upang masolo ang kita. Sa mga pagkakataong tulad nito, hindi na niya kailangan ng katulong. Tiniis niya ang buong araw na paglanghap sa masangsang na amoy ng thinner. Pilit niyang inabot ang mga kasuluk-sulokan. Ilang araw niya itong ginawa. Marahil ay pagod-pagod na siya ngunit dala ng pagnanais niyang mabigyan ako ng magandang kagamitan para sa 25 buong sipag niyang tinapos ang pagpinta ng buong kabahayan. Inalay niya ang ilang araw ng kanyang hirap at pagod para lamang sa akin. Para lang maging masaya ako sa araw ng Pasko kahit hindi ko pa ito naiintindihan.
Ang karampot na kinita niya sa pagpipinta ay ipinambili niya ng isang set na adidas; shorts, t-shirt, medyas at sapatos. Ito kasi ang usong damit at paniguradong bagay-bagay sa akin ang mga iyon. Siguro nga ay buong yabang kong ibinalandra ang mga bagong damit na walang kamalay-malay kung paano ako nagkaroon ng ganoong klaseng damit. Bata pa kasi ako noon, hindi ko pa alam. Wala pa akong ideya ng mahirap o ng mga pinaghirapan. Wala akong kamuwang-muwang. Siguro nga ay kada nagagasgasan ang aking sapatos o nasisira ang mga hibla ng sinulid ng aking adidas ay napapailing na lamang ang aking ama. Hindi ko kasi alam na grabe pala ang sinuong niya mabihisan lang ako ng husto para sa araw ng Pasko.
Kaya tuwing naalala ko ito ay napapaluha ako. Kada nakakakita ako ng adidas ay naaalala ko kung gaano ako kamahal ng aking ama. Handa siyang ibuhos ang ilang araw ng pagtatrabaho para lamang mabigyan ako ng kaunting karangyaan. Inuna niya ako at ibinalewala ang sarili. Sana ay magawa ko ito para sa kanya, ang magsakripisyo para sa kanyang kauna-unahang adidas.

0 Comments:

Post a Comment

Links to this post:

Create a Link

<< Home