Isteydi: Mga diskursong nabuo sa tambayan

Wednesday, October 25, 2006

Napariwarang Iskolar

Simula bata ay iminulat na ako ng aking ina na bigyan ng pagpapahalaga ang pag-aaral. Mula kasi kami sa pamilya ng mga iskolar. Mula sa kanya hanggang sa bunsong kapatid ay nakatapos ng kolehiyo na walang binabayarang matrikula. Isa pa, mahirap lang kami noon kaya pilit niyang ipinapasok sa aking murang isipin na ang edukasyon ang tanging makakapag-ahon sa amin mula sa kakapusan. Sa may Tayuman kasi ay karaniwan na ang hindi nakakatapos ng kolehiyo. Kaya mabilis ang pagdami ng mga propesyonal na tambay. Mga taong walang ginawa buong araw kundi magpalipas ng oras sa kakaupo sa may bangketa na may mga baong kwento na siyang magpapaabala sa kanilang araw. Nakita ko iyon at isinumpa na hindi ako magiging ganoon paglaki ko.
Naging magaling naman ako sa elementarya at hayskul. Sa katunayan ay bata akong nakatapos ng edukasyong pangsekondarya sapagkat maaga ako nag-aral. Sa edad na 14 ay umakyat na ako sa entablado at buong yabang na tinanggap ang hayskul diploma. May karapatan din akong magyabang sapagkat sa isang prominenteng unibersidad ako mag-aaral ng kolehiyo. Habang ang aking mga kamag-aral ay nag-ipon ng mga eksamin sa iba’t ibang unibersidad, ako ay sa La Salle-Taft lang nag-eksam. Alam ko kasi na tiyak na akong makakapasok doon. Alam ko kasi na magaling ako. Alam ko na kaya ko.
Dala ng kawalang-muwang sa bagong yugto ng aking buhay, nagpabaya ako. Hindi ko pala gusto ang aking kurso. Magaling nga ako sa matematika ngunit hindi ko nakita ang aking sarili bilang isang inhenyero. Sa katunayan ay mga magulang ko ang pumili ng aking kurso. Bagay daw kasi sa akin ang mag-inhinyero sapagkat magaling ako sa matematika at ito ang linya ng aming negosyo. Siguradong makatutulong ako sa pagpapalago ng aming negosyo.
Ngunit nagkamali sila. Ang apoy na nagtutulak sa akin upang maging magaling sa klase ay nawala. Hindi kasi ako sigurado sa aking ambisyon. Nalito ako at tinamad. Napagtanto ko kasi na ayaw kong maging inhenyero. Isa pa, nanibago ako sa bagong institusyon na aking kinabilangan. At mula noon ay hindi na ako pumasok sa aking mga klase. Sinayang ko ang aking baon sa pagpunta sa mga mall, at doon ko hinanap ang kasiyahan na hindi ko mahagilap.At pagkalipas ng dalawang buwan ay natuklasan ng aking magulang ang aking ginagawa. Sobrang nagalit sila sa akin. Sinira ko kasi ang kanilang mga pangarap. Ang pagmamalaki nila sa akin ay napalitan ng kahihiyan.
Natuklasan ko na gusto ko pala na maging isang musikero. At sa awa ng Diyos ay unti-unting natupad ang aking mga pangarap. Nakilala ko ang mga dapat makilala. Naging kaibigan ko ang mga kilala sa industriya. Sa sandaling panahon ay naging kilala ako sa aming eksena. Ako ang batang mayd dating tumipa ng tiklado. Kasi naman napasama ako sa mga tamang tao. Napabilang ako sa barkadahan ng mga magagaling, mga taong may ibang pananaw sa musika. At doon ay nagsimula akong magpakadalubhasa. Araw gabi akong nageensayo kapag walang tugtog. Inuubos ko ang oras sa kaaaral ng iba’t ibang teorya. Nagsunog ako ng kilay. Sa katunayan ay sa musika lang umiikot ang aking mundo. Mula pagkagising ay deretso ensayo na ako. Pinipilit kong gumaling agad upang makasabay sa aking mga magagaling na kaibigan.
Naging madali ang pagkita ng pera. Sa isang gabi ba naman ay mahina ang P1000, tapos ay may tugtog kami halos gabi-gabi. Mula rito ay natuto akong mabuhay mag-isa. Nagsarili ako at itinaguyod ang sarili. Kaya ko naman kasi at higit sa lahat gusto. Hindi lamang gusto kong bumukod sa aking pamilya kundi gusto ko ang aking ginagawa. Mahal ko ang musika at masaya ako sa ganitong trabaho.
Madalas kong sinasabi noon na bakit kailangan ko pang mag-aral. Una, nagtatarabaho na ako. Binubuhay ko na ang aking sarili. Sa katunayan ay mas mataas pa ang kinikita ko sa mga nakakurbata sa Makati. Pangalawa, pakiramdam ko ay sayang lang ang oras ko sapagkat patuloy na dumarami ang walang trabaho. Habang dumarami kasi ang nakakapagtapos ng kolehiyo, nababawasan naman ang oportunidad. At higit sa lahat, hindi ko gusto ang mag-aral. Masaya na kasi ako sa ginagawa ko at tiyak na hindi ko pagpapahalagahan ang edukasyon. Lahat ng ito ay sinasabi ko sa mga kaibigan ko. Lagi kong iniiwan ang tanong sa kanila na ano na ang mangyayari sa kanila pagkatapos ng kolehiyo? May naghihintay bang magandang bukas sa kanila?
Sa di-inaasahang pangyayari ay biglang nagbago ang ihip ng hangin. Naramdaman ko hindi ako kuntento sa aking buhay. Dumating ang pangambang ano ang mangyayari sa aking kinabukasan kapag hindi na ako makatugtog. Paano na lang kung matanda na ako? Isa pa, parang hindi ko makuha ang respeto sa aking mga kaanak. Kahit bilib na bilib sila sa propesyon ko, hindi ko makuha ang respeto nila sapagkat hindi nga ako nakatapos ng kolehiyo. Mas natutuwa sila sa mga pinsan ko na nakatapos ng kolehiyo. At mula rito ay nag-ugat ang aking pagnanais na makapag-aral muli.
Nagdesisyon akong bumalik sa kolehiyo. Ibinuhos ko ang lahat. Natuto akong unahin ang edukasyon kaysa sa mga ibang bagay. Pinilit kong lunukin ang kahalagahan nito at isinantabi ang pagmamahal sa musika. Ipinakita ko na kaya kong tapusin ang aking nasimulan. Mayroon kasi akong sakit na magaling lang ako sa simula. Puro simula at hindi ako marunong tumapos.
Pagkalipas ng dalawang taon ay hindi ako makapaniwala sa aking mga naabot. Naging magaling ako sa klase. Natuklasan ko ang aking mga kakayahan. Natuklasan ko ang bagong ako. Natuklasan ko na may mga kaya pala akong gawin bukod sa pagtugtog. Natuklasan kong muli ang aking sarili. Natuklasan ko kung sino ba talaga ako. At ngayon ay hindi ako makapaniwala na marami nang nakaatang na responsabilidad sa akin. Mga responsabilidad na hindi ko noon tatanggapin na ngayon ay aking buong pusong ginagampanan. Mga responsabilidad na patuloy na humuhubod sa aking pagkatao. Muli akong nagkatiwala sa aking sarili. Masasabi kong, nabubuhay na akong muli.

3 Comments:

  • bakit ganun?

    parang dinadaanan ko yung phase na nagsasawa?

    tama bang iterm yun as MIDLIFE crisis?

    i always feel like a feather floating through the winds...

    nice post =D

    By Blogger paula bianca, at 12:22 AM  

  • Minsan ganoon ang buhay. Parang pulit-ulit. Parang wala kang patutunguhan. Para kang napapaloob sa isang sistemang gusto mo nang kumawala ngunit sadyang wala kang magagawa kundi patuloy na magpaagos sa sistemang iyong kinabibilangan. Ang tangi mo lang magagawa ay bigyan ng halaga o hanapan ng kabuluhan ang mga bagay na sumusunog sa iyong karapot na panahon.

    (salamat sa una mong komento. Madali lang naman magsulat. Kalimutan ang mga balarila. Isulat ang isinisigaw ng puso. Kahit ano. Sapagkat sa paraan lamang na ito sisinag ang iyong kalinangan. Sa lahat ng iyong gagawin, kailangan naroroon ang puso mo upang magkaroon ito ng kabuluhan. Kailangan magmula sa puso dahil kung hindi rin lamang tio manggagaling rito, mas mabuti pang iba na lang ang gawin.

    Ipagpatuloy ang pakikisagupa sa mga hamon ng buhay. Mabuhay ka.)

    By Blogger keys_me, at 7:06 PM  

  • ganda pu ng post niu '
    actuaLLy naLigaw Lan aq xa site mU den tnrY cu xaNg bSahiN '
    aUn ' aNg ganda nia :)

    actuaLLy eNginEeriNg dn corz cu neun ee
    en im on my 3rdyr ..

    By Anonymous Anonymous, at 3:52 AM  

Post a Comment

<< Home